By JOENALD MEDINA RAYOS
BATANGAS City – IPATUTUPAD na sa buong Lalawigan ng Batangas ang pagsailalim sa Community Quarantine, na halos kagaya ng sa Kalakhang Maynila mula alas-12:01 a.m. ng Linggo, Marso 15, hanggang alas-11:49 n.g., Abril 14, 2020.
Ito ang nilalaman ng Quarantine Advisory na ipinalabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ganap na ika-9:00 ng gabi, Sabado, Marso 14, kasunod ng paglobo ng kaso ng 2019 Corona Virus Disease (COVID-19) sa buong bansa at pagtaas sa tatlo ng naitalang kaso sa Lalawigan ng Batangas.
Isinasaad sa naturang advisory ang mga limitasyon at restrictions na ipatutupad sa mga pagbibiyahe sa lupa man o sa dagat, papasok at palabas ng Lalawigan ng Batangas.
Bagaman at mananatiling may biyahe ang mga pampublikong transportasyon sa loob ng lalawigan, mahigpit na ipatutupad ang limitasyon para sa seguridad at kaligtasan ng publiko. Tanging mga manggagawa lamang na may kaukulang Identification Cards (ID) at mga manggagawa ng pamahalaan na may tanging assignments o gampanin ang papayagang makabiyahe.
Narito ang ilan sa mga pamantayan sa mga mabibiyahe papasok at palabas ng Lalawigan ng Batangas:
- Para sa mga gumagamit ng pampublikong sasakyang pandagat, kailangan muna ng mga pasahero ng kaukulang clearance mula sa Maritime Industry Authority (MARINA);
- Para sa mga gumagamit ng pribadong sasakyang pandagat, kakailanganin naman ang clearance mula sa Philippine Ports Authority (PPA)
- Sa lahat ng pasahero, maging pandagat man o panlupa, kailangan munang magpakita ng ID bago makabili ng ticket. Hindi maaaring makabili ng ticket kung walang ID. Kung hindi manggagawa, hindi rin maaaring makabili ng ticket papasok o palabas ng Lalawigan ng Batangas.
- Para sa mga UV Express, hanggang anim (6) na katao lamang ang maaaring sakay, kabilang ang driver; samantalang para sa mga pampasaherong dyip, bus at bangka, hanggang kalahati lamang ng kanilang kapasidad ang maaaring maging sakay kabilang ang driver at konduktor, at kailangan ding may pagitan ang bawat upuan.
Para naman sa mga gumagamit ng pribadong sasakyan, responsibilidad ng mga local government units (LGUs) kasama ang Barangay Health Emergency Response Team (BHERT), na imonitor ang mga nagbibiyahe na siyang mag-uulat sa mga kaukulang City or Municipal Health Officers at Provincial Health Office.
Responsibilidad ng lahat ng mga nagbiyahe mula sa labas ng bansa, lalo na iyong galing sa mga bansang may kaso ng COVID-19 na magreport sa kani-kaknilang barangay officials ukol sa kanilang pakapagbiyahe at kailangang magsagawa ng 14-araw na boluntaryong pag-quarantine.
Magpapatuloy naman ang biyahe ng mga produktong papasok at palabas ng Lalawigan ng Batangas, lalo na ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, gamot, at panggatong.
Mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng maramihang pagtitipon, at lahat ng uri ng gawaing pangturismo sa mga resorts at beaches sa buong lalawigan. Magpapatuloy naman ang operasyon ng mga hotel ngunit kailangang mag-fill up muna ng Health Declaration Card ang mga guests at isumite ang kanilang pasaporte para sa kaukulang monitoring at posibleng contact tracing.
Paiikliin sa apat (4) na araw lamang ang trabaho sa pamahalaan, mula Lunes hanggang Huwebes, alinsunod sa Memorandum Circular ng Komisyon sa Serbisyo Sibil; maliban sa mga health and emergency frontliners.
Sa pribadong sektor, iniengganyo ang mga employer na ipatupad ang flexible work arrangements, bagaman at mananatiling bukas ang mga nasa serbisyo industriya ng manufacturing, retail and service, alinsunod sa pamantayan at direktiba ng DOLE at DTI.
Papatawan ng kaukulang parusa ang mapatutunayang lalabag sa mga kautusang nabanggit, alinsunod sa itinatadhana ng Quarantine Act of 2004 (RA 9271) at Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act (RA 11332); gayundin ang mapatutunayang nagkakartel ng mga pangunahing produkto.| – BALIKAS News Network