By JOENALD MEDINA RAYOS
SA lahat ng bayan at lunsod sa lalawigan ng Batangas, inakatinututukan ngayon ng publiko ang karerahan sa pagka-alkalde ng Lunsod ng Tanauan.
Huwebes ng umaga, Oktubre 11, tahimik at simpleng nag-alay ng Banal na Misa sa simbahan ng Parokya ng Nuestra Señora Soledad sa Darasa ang buong team ni incumbent 3rd District Board Member at dating City of Tanauan mayor Alfredo C. Corona bago tumuloy sa City Election Office sa Old City Hall Compound sa Poblacion.
Hangad ni Bokal Fred na makabalik bilang alkalde ng Lungsod ng Tanauan at maipagpatuloy ang mga dati niyang programa sa lunsod, at ang mga adbokasiya ng kaniyang anak, si incumbent Mayor Jhoanna Corona-Villamor na naghain na rin ng kandidatura sa pagka-Board Member. Bitbit ang mahabang karanasan sa serbisyo-publiko, layunin ng amang Corona na maisulong pa ang pag0unlad ng Tanauan, samantalng bitbit ang kaniyang pagiging abogada, nais ng batang Corona na magsulong ng mga batas at ordinansa bilang bokal ng ikatlong distrito.
Kasama ng mga Corona ang buong slate para sa Sangguniang Panlunsod sa pangunguna ng tatakbo sa pagka-bise alkalde, dating Kagawad Julius Platon, anak ni dating Mayor Cesar Platon.
Sa kabilang banda, sa St. John the Evangelist Parish Church naman nagsimba ang grupo ni Angeline Halili, anak ni dating mayor Antonio Halili bago nagtuloy sa COMELEC. Bitbit ng batang Halili ang mga tagasimpatiya ng pagyao ng kaniyang ama at kumapit siya sa suporta ng mga ito sa paghahain ng kandidatura bilang alkalde.
Kasama ni Halili sa paghahain ng COC ang kaniyang buong slate sa Sangguniang Panlunsod sa pangunguna ni Atty. Herminildo Trinidad, Jr. para sa pagka-vice mayor. Si Atty. Junjun Trinidad (UNA Party) ay dati nang naglingkod bilang bise alkalde noong panahon ni Bokal Fred bilang mayor, at dati ring ciy administrator sa panahon ni dating mayor Halili.
Samantala, bukod kina Corona at Halili, ilan pang nababalitang aspirante ang inaasahang maghahain din ng Certificate of Candidacies hanggang sa magtapos ang tinakdang deadline nito sa Miyerkules, Oktubre 17. Kabilang na rito si retired Deparment of Foreign Affairs (DFA) – Lipa director Nancy Garcia.
Sa kabilang dako, wala pa ring nakapaghahain ng sa pagka-alklade at bise-alkalde sa Lunsod Batangas at Lungsod ng Lipa.|#BALIKAS_News