By JOENALD MEDINA RAYOS
[5th Update; 1st posted, Mar. 16, 2020] – NAG-DOUBLE DIGIT na nga ang bilang ng mga naitatalang kaso ng 2019 Corona Virus Disease (COVID-19) sa Lalawigan ng Batangas.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Batangas Provincial Inter-Agency Task Force (IATF), alas-4:00 ng hapon, Lunes, dumagdag pa ang isang kasong naitala sa Lungsod ng Sto. Tomas sa naunang dalawang (2) naitalang nagpositibo ngayong araw mula sa Lungsod Batangas at Nasugbu.
Ayon pa sa ulat ng IATF, naitala din sa 52 ang bilang ng mga persons under investigation (PUI), samantalang lumobo pa sa 2134 ang mga persons under monitoring (PUM).
Batangas City – 4
Una’y kinumpirma ni City Health Officer Dr. Rosanna Barrion, City Health Officer at Incident Command Manager ng Batangas City na may pang apat nang confirmed case ng COVID-19 sa lungsod.
Ang pasyente ay 24 na taong gulang na lalaki at walang history ng recent travel abroad.
Nagsasagawa na umano ngayon ang City Health Office (CHO) ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng nasabing pasyente.
Bago pa man isinapubliko ni Dra. Barion ang balitang ito, isinapubliko muna ni Atty. Reginald Dimacuha, secretary to the City Mayor, na may isang tinututukang Person Under Investigation (PUI) sa lungsod na umuwi mula sa Metro Manila.
Aniya, mahigpit ang paalala sa publiko na seryosohin ang mga tagubilin ng pamahalaan ukol sa social distancing at sumunod sa mga patakaran ng enhanced community quarantine.
Ito rin ang panawagan ni Mayor Beverley Dimacuha at hinihiling niya ang pang-unawa at kooperasyon ng lahat sa panahong ito. Hiniling rin ni Mayor na habang nasa kani-kanilang tahanan ay ipagdasal ang mga frontliners, healthworkers, mga pasyente at ang Lungsod ng Batangas.
Matatandaang iniulat ng DOH na nakarekober na ang kauna-unahang (BC-P1) naitalang kaso sa lungsod (DOH-P49), samantalang sumakabilang-buhay naman ang kapatid nito (DOH-P52).
Ang ikatlong nagpositibo sa lungsod (BC-P3) ay inulat ng lungsod noong Marso 21.
Nasugbu – 2
Samantala, ang isa pang nakumpirmang nagpositibo ay isang 23-anyos na babae mula naman sa bayan ng Nasugbu. Sa ulat ng Nasugbu Task Force Covid 19, si Nasugbu Patient #2 ay nagkaroon ng direktang contact sa isang pasyanteng nagpositibo sa COVID 19 sa Alabang, Lungsod ng Muntinlupa.
Nakumpirma na siya’y positibo rin sa COVID 19 ngayong araw.
Ang unang kaso ng COVID-19 sa Nasugbu ay isang 32-anyos na lalaki na dumating sa Nasugbu mula Queozn City noong Marso 11, Miyerkules, na may lagnat kaya kaagad din itong ipinasok sa hospital.
Marso 12, inilipat sa intensive care unit (ICU) ng Dela Salle University Hospital sa Cavite.
Ayon sa RHU ng Nasugbu at BHERTs nakapagsimula kaagad ng contact tracing at nailagay sa 14-day quarantine ang mga kamag- anak. Wala namang kinakitaan ng sintomas sa mga kamag anak ng nasabing pasyente.
Iniulat din ng Nasugbu Task Force na isang nagpositibo sa COVID-19 na 76-anyos na lolo sa Bacoor City, Cavite na namatay noong Biyernes, Marso 20, ay sa Nasubu, Batangas naman inilibing noong Sabado, Marso 21. Ipinatupad din ang contract tracing sa Nasugbu at Bacoor at nagsimula na ang mandatory quarantine ng buong pamilya mula noong Sabado. Hanggang sa oras na sinusulat ang balitang ito ay wala namang kinakitaan ng sintomas sa kanila.
Lemery, Tanauan City at Lipa City – 3
Nananatili namang tig-isang kaso ng nagpositibo sa COVID-19 ang naitala sa Lemery, Lipa City at City of Tanauan.
Si Lemery Patient 1 (L-P1) ay 64-anyos na ginang na bumiyahe sa bansa mula sa bansang Italy. KInakitaan ng mga sintomas at na-confine sa Mary Mediatrix Medical Center sa Lipa City, hanggang sa mailipat sa Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang, Lungsod ng Muntinlupa.
Si Lipa City Patient 1 (LC-P1) ay nakaratay ngayon sa isang ospital sa Kalakhang Maynila, samantalang si Tanauan City Patient 1 (TC-P1) ay 35-anyos na lalaki na hindi nagbiyahe sa abroad ngunit umuwi sa lalawigan mula sa Metro Manila.
Nagpositibo siya sa COVID-19 noong Biyernes, Marso 20, at naka-confine pa rin ngayon sa Daniel O. Mercado Merdical Center sa nasabing lungsod.| – BALIKAS News Network