SUMIPA ng labis pang doble sa sinundang araw ang naitalang kaso ng mga nagpositibo sa corona virus disease 20a9 (COVID-19) sa bansa, na ngayon ay umabot na sa 1,075.
Sa pinahuling ulat ng Department of Health (DOH) ngayong hapon, [DOH Bulletin No. 014 | 4:00PM, March 28, 2020], sinasabing kaninang alas-dose ng tanghali ay naitala ang 272 bagong kaso sa loob ng nakalipas na 24-oras.
Kapansin-pansing sumipa ng 33.87% na pagtaas sa sa kabuuang bilang ng mga nagpositibo, o 183.3% na pagtaas kung ikukumpara sa mga napadagdag na kaso ng sinundang araw.
Sa isang banda, ito na marahil ang sinasabi ng DOH na unti-unting sisipang pataas ang bilang ng mga nagpopositibo sapagkat patuloy na bumibilis na ang kakayahan ng kagawaran, partikular ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na makapaglabas ng mas maraming resulta, positibo man o negatibo, dahil sa pagdating ng maraming test kits.
Kaugnay nito, iniulat din ng DOH na nakapag-deliver na rin ang RITM ng libu-libong test kits sa mga Subnational Laboratories (SNL) para mas tumaas ang kapasidad ng mga ito na makapagrelease ng mas maraming resulta sa malapit na hinaharap.
Kabilang sa mga subnational laboratories na unang katuwang ng RITM ang San Lazaro Hospital at Baguio General Hospital and Medical Center sa Luzon, Vicente Soto Memorial Medical Center sa Visayas at Southern Philippines Medical Center sa Mindanao. Mayroon din aniyang mahigit 30 pang laboratoryo sa bansa na ina-assess ng DOH ang kakayahan nitong maging extension laboratories para sa pagsusuri ng mga samples.
Sa mga kadedeliver lamang na test kits, magkakaroon ng kakayahang magsuri ng hanggang 5,000 samples ang bawat SNL, ayon pa sa DOH, bilang bahagi ng komitment ng kagawaran para sa pagbibigay ng better and faster dioagnostics sa gitna ng lumalalang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa at sa buong mundo.| – JOENALD MEDINA RAYOS