By JOENALD MEDINA RAYOS
BATANGAS City — SA halip na isang magarbong pagdiriwang ng kaniyang kaarawan, isinama ni Police Senior Superintendent Edwin Quilates, Officer-in-Charge ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) ang maraming doctor at support personnel upang ihatid sa mga mamamayan ng Barangay Wawa at Barangay Malitam ang libreng serbisyong medikal, dental at legal nitong nakaraang Miyerkules, Mayo 30.
Mahigit na 200 residente ang nakinabang sa isinagawang “Agapay Kabayan Program”.
Nagsagawa sila ng medical at dental mission kasama na ang pamimigay ng libreng gamot, feeding sa mga bata at pagtutuli sa mga batang lalaki. Nagkaloob din sila ng legal assistance para sa mga usaping may kinalaman sa mga umiiral na batas.
Target ng pamunuan ng pulisya sa lalawigan na maipadama sa mga residente na ang pulisya ay kaagapay ng mga mamamayan sa pag-abot ng isang mapayapang pamumuhay. Layunin din ng programa na mailapit sa publiko ang pulisya at madama ng mga tao na ang pulisya sa lalawigan ay mapananaligang lingkod ng bayan.
Sinabi ni PS/Supt. Quilates, ang proyektong ito ay naisagawa sa pakikipagtulungan ng barangay Wawa at mga ahensiyang sumusuporta sa BPPO sa pagkalinga sa mga taga-Batangas.
“Nag conduct ako ng ganitong dental-medical mission at feeding program upang makapagbigay ng direkteng serbisyo sa mga mamayan, nagkataon lang na aking kaarawan ngayon kaya isinabay ko na ang pagkakataon ito kesa mag handa ako ng magarbong handaan ay ito na lang kasi nais ko i share ang ating blessing sa mga less fortunate,” sabi ni Quilates.|May ulat mula sa PIO Batangas City