By JOENALD MEDINA RAYOS
ILIGAL at hindi maaaaring pahintulutang magpatuloy ang operasyon ng u-Hop Transport Network Vehicle System, Inc. (U-Hop) sa Lalawigan ng Batangas —dahilan kung bakit itinigil ang operasyon nito sa Batangas City Grand Terminal at sa ilang malls sa lalawigan.
Ito ang nabatid sa Ulat ng Committee on Transportation and Communication sa Sangguniang Panlunsod ng Batangas noong Lunes batay sa isinagawang pagdinig kamakailan.
Pahayag ni Kagawad Oliver Macatangay, tagapangulo ng lupon, at batay na rin sa naunang pahayag ni G. Rufinito Boongaling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), walang prangkisa o Certificate of Public Convenience (CPC) ang u-Hop para mag-operate bilang transport network company.
Nauna rito, matatandang tinalakay ni Kagawad Nestor Dimacuha sa malayang oras ng sesyon ng konseho noong Enero 25 ang patuloy na operasyon ng u-Hop sa kabila ng kawalan ng prangkisa, bagay na maaaring maging ugat ng mas malaking problema sa seguridad ng mga mananakay sakaling magkaroon ng aksidente o anumang aberya sa kalsada.
Dahil dito, ipinatawag ni Kagawad Macatangay ang pamunuan ng u-Hop para sa isang pandinig na itinakda noong Pebrero 6. Sa naunang liham ni Nicolas Jose T. Laude III, Head of Sales of Compliance ng u-Hop, hindi umano sila makararating sa itinakdang pagdinig kaya natuloy lamang ito noong Pebrero 27.
Nabatid na ang u-Hop TNVS ay nabigyan ng akreditasyon ng LTFRB bilang transportation network company noong Marso 11, 2016 at may bisa ito sa loob ng dalawang taon o hanggang Marso 10, 2018 lamang. Ngunit ang akreditasyong ito ay hindi prangkisa bilang isang transport company.
Alinsunod sa itinatadhana ng Art. 1732 ng Civil Code, ang u-Hop TVNS ay maituturing na isang common carrier sapagkat ito ay nasa negosyo ng transportasyon ng tao. Batay naman sa probisyon ng Seksyon 15 ng Public Service Act, ang isang common carrier, gaya ng u-Hop TVNS ay kailangang may kaukulang CPC para ligal na makapagbiyahe bilang isang accredited transport network company.
Sa mga nakalipas na pagdinig, nabatid na nakapagsumite pa lamang ng aplikasyon ang u-Hop TVNS sa LTFRB-Region IV para sa kaukulang CPC o kahit man lamang Provisional Authority (PA). Ang PA ay karaniwang iniisyu ng ahensya kapag hindi pa naaaprubahan ang pagkakaloob ng CPC. [Ang PA na iniisyu ng LTFRB ay para ring PA na iniisyu ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa isang sasakyang pandagat kapag hindi pa sila naiisyuhan ng CPC].
Dahil sa kawalang ito ng kaukulang prangkisa o otorisasyon mula sa LTFRB, mananatiling hindi papayagang makabiyahe sa alin mang sulok ng Lunsod Batangas ang u-Hop. Ito rin marahil ang sitwasyon ng kumpanya sa mga bayan ng San Pascual, Bauan, San Jose at Lunsod ng Lipa kaya tigil-operasyon din ito sa mga nabanggit na lugar.
Napagkasunduan naman sa pagdinig na maaari ng magproseso ng pagkuha ng Business Permit ang u-Hop TVS ngunit kailangang maging malinaw sa kanila na ito ay upang makapagproseso sila ng aplikasyon sa pagkuha ng CPC o PA sa LTFRB at hindi permiso upang mag-operate kahit walang prangkisa.
Nilinaw naman ni Macatangay na “hindi po kami kumokontra sa pagpasok ng u-Hop o ng ganitong klase ng transportation service sa ating lunsod at lalawigan, ngunit kailangan nating unang tiyakin ang seguridad ng ating mga mananakay at maging ng mga apektadong transport operators sa lunsod.”
Batay sa nakalap na mga dokumento ng BALIKAS News, ang u-Hop TVNS ay may 15 accredited units na pag-aari ng 13 operators.|#BALIKAS_News