DBy JOENALD MEDINA RAYOS
TANAUAN City – LUBHANG nabahala ang maraming botante ng Lungsod ng Tanauan sa sobrang dami ng mga Secure Digital (SD) Cards na depektibo at hindi nagamit sa araw ng halalan.
Sa eksklusibong panayam ng BALIKAS News kay Atty. Candy Orense, city election officer ng Tanauan City, nabatid na umabot na sa 15% ng kabuuang 141 SD cards na inisyu ng Comelec sa lungsod ay pawang mga depektibo at kailangang mapalitan upang magtuluy-tuloy ang proseso ng halalan sa lungsod.
Kaugnay nito, umapela si Atty. Orense sa mga Tanaueno na manatiling mahinahon sapagkat mananatili namang kontrolado ng Comelec ang sitwasyon at nakatitiyak ang mga manghahalal na may nakalaang solusyon dito ang komisyon.
Upang mapalitan ang mga depektibong SD Cards, tinanggal ang mga ito sa mga votes counting machines (VCMs) at isinilid sa mga resealable transparent plastics saka nilagyan ng packaging tape at pinirmahan ng mga watcher ng bawat partido at ng Board of Election Inspectors (BEI) bago ibinalik sa COMELEC Office – Tanauan City upang mai-transmit sa COMELEC Regional Hub sa Lungsod ng Sta. Rosa sa Laguna para mapalitan.
Ayon pa kay Atty. Orense, habang hinihintay ang pagdating ng mga replacement SD Cards, nagpatuloy naman ang pagboto ng mga naroong botante at pinagsama-sama muna ang mga balota sa isang sadyang nakalaang kahon upang maipasok ang mga ito sa mga VCMs kapag dumating na ang mga bagong SD Cards.
Patuloy namang nagbabantay ang mga nakatalagang watchers ng bawat partido sa mga nasabing presinto.
Ang lungsod ng Tanauan ay may kabuuang 141 clustered precincts sa 48 barangay nito.|#BALIKAS_News