By JOENALD MEDINA RAYOS
MAYNILA, Pilipinas – (Updated) “BAHAG ang buntot!”
Ito ang punan ng ilang political observers sa naging reaksyon ni Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño na paghingi ng paumanhin sa mga kongresista kaugnay sa naunang pahayag nito na may mga kongresista umanong nakialam sa nakalipas na Synchronized Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2018.
Hindi anila magandang tingnan sa isang opisyal ng pamahalaan na medaling magbigay ng pahayag ukol sa isang isyu ngunit hindi kayang panindigan ito sa kalaunan.
Nauna rito, inakusahan ni Diño ang mga kongresista ng umano’y pagmanipula o pang-iimpluwesya sa katatapos na halalan sa kabila ng probisyon ng batas na ang barangay at SK elections ay dapat non-partisan.
Dahil dito, umalma si Deputy Speaker Raneo Abu sa pamamagitan ng Privilege Speech sa Kamara at hinamon nito si Diño na pangalanan ang 100 o one-third ng halos 300 mga kongresista na umano ay namili ng boto.
Hinamon din ni Deputy Speaker Abu si Diño na maglabas ito ng ebidensya sa seryoso nitong paratang.
Sa isang Forum sa Lunsod Quezon, sinabi ni Diño na patawarin siya sakaling nakasakit man siya ng damdamin ng mga mambabatas.
Sabi pa ni Diño, hindi umano mga complaints ang kanyang pinanghahawakan kundi report na ipinarating sa kanya ng mga concerned citizen sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Para matuldukan na ito ani Diño, gumanti pa ito ng hamon sa mga Congressmen na magpasa na ng isang batas na tuluyang magbabawal sa nakaugaliang paghingi ng pabor sa mas matataas na pulitiko sa bansa.|May ulat ni PMA