By JOENALD MEDINA RAYOS
NANGANGANIB ngayon ang kandidatura ng isang dating alkalde na tumatakbo sa pagka-bise alkalde sakaling magtuluy-tuloy ang kasong inihain laban sa kaniya sa Commission on Elections at kung mabigo siyang idepensa ang sarili sa naturang asunto.
Nag-ugat ang naturang kaso sa petisyong isinampa ni Henry L. Laqui noong Pebrero 26, 2019 at sa Amended Petition nitong Abril 11, 2019 para ma-disqualify si dating Mataasnakahoy mayor Jay Manalo Ilagan sa kaniyang kandidatura sa pagka-bise alkalde ng naturang bayan bunga ng umano’y hindi niya pagsusumite ng kaukulang Statement of Contribution and Expenditure (SOCE) sa kaniyang pagtakbo bilang alkalde noong 2013 at 2016 National & Local Elections.
Alinsunod sa Rule 10 ng Comelec Resolution No. 9991, lahat ng tumatakbo sa anumang posisyon ay kailangang magsumite ng kanilang SOCE, limang (5) araw makalipas ang eleksyon, upang mabatid kung may naganap na over spending o labis na paggastos sa kandidatura na higit pa sa pinapayagan ng batas. Ang mapapatunayang lumabag sa kautusang ito ay may parusang perpetual disqualification o panghabambuhay na diskwalipikasyon sa anumang halaling posisyon sa pamahalaan.
Batay sa ipinalabas na Certification mula sa Campaign Finance Office ng komisyon noong Abril 4, 2019, kinumpirma ni Atty. Rickee Gerald D. Brieva ng naturang tanggapan na hindi nga nagsumite ng kaniyang SOCE si Ilagan sa mga magkasunod na halalan.
Noong Martes, Abril 16, ipinalabas na ni Atty. Manuel T. Lucero, Acting Clerk of the Commission, ang isang SUMMONS ng COMELEC – First Division para sa SPA Case No. 19-039 (DC) at iniuutos kay Ilagan na magsumite ng verified Answer sa kasong inihain laban sa kaniya, sa loob ng limang (5) araw (non-extendible) mula sa araw na matanggap ang summons.
Kaugnay nito, hindi maaaring magsumite ng mosyon para ibasura ang kaso, bagaman at ang mga rason sa mosyon para ibasura ang kaso (kung meron man) ay papayagang gamiting depensa sa paggulong ng imbestigasyon.
Kasunod nito, noon ding Martes, ay nagpalabas na ng Notice of Conference ang COMELEC at ipinag-uutos sa magkabilang-panig na humarap sa kumperensya sa Abril 26, 2019, ganap na ala-1:30 ng hapon sa punong-tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, Maynila, upang masimulan ang pagdinig sa kaso. Kung pagkatapos ng kumperesya ay makita ng Comelec na may dahilan para magtuluy-tuloy ang paglilitis dito, itatakda na ang pagsusumite ng kani-kaniyang Memorandum, tatlong (3) araw matapos ang kumperensya.
Bukod kina Ilagan (PDP-Laban) at Laqui (Partido Federal ng Pilipinas), makakatunggali rin nila sa kandidatura sa pagka-bise alklade si Chester Vergara (independiyente).
Sinikap kunin ng BALIKAS News ang panig ni Ilagan kaugnay ng usaping ito, ngunit hindi siya sumagot sa text messages. Ang bayan ng Mataasnakahoy ay binubuo ng 16 na barangay at may populasyong 29,187 batay sa 2015 Census. Sa tala ng Comelec, mayroong kabuuang 19,513 botante sa bayang ito para sa May 13, 2019 Synchronized National and Local Elections.|#BALIKAS_News