By JOENALD MEDINA RAYOS
CALATAGAN, Batangas – DEAD on arrival sa Calatagan Medicare Hospital ang isang hinihinalang tulak ng iligal na droga matapos ang isang madugong engkwentro sa Barangay Poblacion 1, sakop ng bayang ito, Lunes ng gabi.
Sa ulat ni Acting Provincial Director, PSSupt. Edwin A. Quilates kay PRO4A Regional Director, PCSupt. Edward E. Caranza, kinilala ang napasang na suspek na si Rolando Ternida y Robles @ Lando/Tomak, residente ng Brgy. Poblacion 3, sa bayang ito.
Ayon kay PCI Radam R. Ramos, hepe ng pulisya sa bayang ito, si alyas Lando / Tomak ay dati nang drug surrenderee sa kanilang bayan ngunit bumalik naman sa kaniyang dating pagiging tulak.
Sa ikinasang drug buy bust operation nitong Lunes ng gabi, Hulyo 9, ng mga tauhan ng Municipal Drug Enforcement Unit, nakatunog umano ang suspek na ang ka-transaksyon pala niya ay mga pulis kaya kaagad siyang nagpaputok ng kaniyang calibre 38, dahilan upang gumanti ang mga operatiba.
Sanhi ng tinamong mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, hindi na siya nakaabot pa sa pagamutan.|#BALIKAS_News