By LIZA DPEREZ E LOS REYES
BATANGAS City –SUMAILALIM sa trainor seminar sa Basic Life Support (BLS) and Standard First Aid ng Department of Health (DOH), Region IV-A Calabarzon, June 14, ang mga pangunahing responders ng lunsod sa panahon ng emergencies o kalamidad. Ito ay upang makapagturo sila sa mga concerned sectors kung papaano sumagip ng buhay bago pa man madala sa ospital ang isang taong nasa kritikal na kondisyon.
Ang mga responders na ito ay mula sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), Batan-gas City PNP, City Health Office (CHO), Philippine Coast Guard at Batangas Medical Center.
Itinuro rin sa kanila kung paano mag-assess, organize, grade, record at evaluate ng pagsasanay.
Sinabi ni Dr. Voltaire Guadalupe ng DOH Region 4-A Calabarzon na “nais po namin na pagkatapos ng training na ito ay magkaroon na po ang Batangas City ng sarili niyang mga trainors upang mas maikalat pa ang kaalaman tungkol sa BLS na hindi na kailangan pa kumuha ng taga labas at maari na silang mag-conduct ng sariling training.”
Aniya, higit pa sa pinaka-magaling na doktor at hospital ang maitutulong ng isang trained sa first aid at BLS sa agarang intervention o pagsaklolo sa isang taong nanganganib ang buhay.
Ayon sa isang participant, malaking tulong ang seminar na ito sa kanila dahil bukod sa nadadagdagan ang kanilang kaalaman ay makakapagturo pa sila sa komunidad, paaralan at barangay.|#BALIKAS_News