“LOVE conquers all.” Tila ganito ang napatunayan ng mag-asawang Congresswoman Eileen Ermita-Buhain at Eric Buhain matapos makuha ng kinikilalang Philippine Olympian ang mayoriya ng boto para maging susunod na kongresista ng unang distrito.
Hanggang kaninang alas-3:32 ng madaling-araw kung saan 99.09% ng kabuuang presinto sa Unang Distrito ang nabibilang na batay sa datos ng Comelec Transparency Server, nakuha ni Congressional candidate Buhain ang kabuuang 143,382 o nakalalamang ng 16,201 boto sa kaniyang hipag na si Lisa Ermita, samantalang nakakuha naman ng 42,164 na boto si Atty. Gerardo Manalo at 3,837 namana si Luisito Ruiz.
Naipanalo ni Buhain ang laban sa limang bayan ng distrito – Balayan, Calaca, Lemery, Taal at Tuy, samantalang sa tatlong bayan lamang ng Calatagan, Lian at Nasugbu nakalamang naman si Ermita.
Sa kaganapang ito, mistulang tuluyan nang humina ang mga Ermita sa Unang Distrito, maging s akanilang bayan mismo ng Balayan.
Hanggang sa oras na sinusulat ang balitang ito, dalawang election returns (ER) na lamang ang nalalabi sa Unang Distrito at ang mga ito ay mula sa bayan ng Taal.
Inaasahang pormal na maipoproklama si Buhain bilang susunod na kongresista ng Unang Distrito ng Batangas bilang kahalili ng kaniyang maybahay na si 3-termer Congresswoman Eileen E. Buhain.| – BNN