INIANUNSYO na ng ilang lokal na pamahalaan sa Lalawigan ng Batangas ang pagkansela ng klase bukas sa ilang lungsod at bayan dito.
Sa Batangas City suspendido ang klase sa lahat ng antas sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan dahil sa bagyong #CarinaPH, ayon sa anunsyo ni Batangas City mayor Beverly Rose A. Dimacuha.
Sa Lungsod ng Tanauan at bayan ng Lian naman, bukod sa suspendinong klase sa lahat ng antas sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, kapwa supendido rin ang mga trabaho sa mga pambayang tanggapan maliban sa mga frontline offices, ayon sa anunsyo nina Tanauan City mayor Sonny Collantes at Lian mayor Joseph V. Peji.
Anila, ito’y batay sa assessment at rekomendasyon ng mga local disaster and risk reduction mangement offices ukol sa masamang panahon na dulot ng bagyo.
Ang diskresyon sa pag-suspinde ng pasok ng mga pribadong kumpanya sa Lungsod ng Tanauan ay nakabatay pa rin sa desisyon ng kani-kanilang pamunuan.
Sa Lungsod ng Sto. Tomas, sinuspinde rin ni Mayor Arth Jhun Marasigan ang face to face classes ng pre-elem hanggang Grade 12 sa pampubliko at pribadong paaralan, ngunit magpapatuloy ang asynchronous classes o distance learning ayon sa DepEd-Sto. Tomas.| – BNN News Team