PINANGUNAHAN nina Mayor Beverley Rose Dimacuha at Congressman Marvey Mariño ang ceremonial turn over ng mga gadget at school supplies na kaloob ng pamahalaang lungsod sa Dep Ed Schools Division of Batangas City, August 19.
May 2300 guro at school heads ang tatanggap ng laptops at 25,000 junior at senior high school students sa mga pampub-likong paaralan sa lungsod ang tatanggap ng tablets upang magamit ng mga ito sa pasukan.
Hindi magiging face-to-face ang pag-aaral sa pagbubukas ng klase na inurong sa October 5 alinsunod sa DepEd Order 007, s. 2020 bilang pangangalaga sa kapakanan at kalusugan ng mga guro at mag-aaral.
Ayon kay Dep Ed Superintendent Dr Zaldy Bolaños, ang pondong ginamit sa naturang proyekto ay mula sa special education fund ng Local School Board (LSB).
Ipinamahagi naman ang mga bags at envelopes na naglalaman ng school supplies tulad ng notebook, papel, lapis at ballpen sa mga mag-aaral sa elementarya.
“Wala nang dahilan upang hindi makapag-aral ang ating mga kabataan, ginagawa natin ang lahat ng paraan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan”, ayon kay Bolanos.
Lubos aniya ang kanilang pasasalamat sa lokal na pamahalaan sa tulong at suportang ipinagkakaloob nito sa SDO Batangas City.
Sinabi ni Bolanos na ang mga paaralan na ang bahalang mag-distribute ng tablets at school supplies sa kanilang mga mag-aaral.|[Texct and Photo by PIO Batangas City]