By JOENALD MEDINA RAYOS
MATAPOS ipag-utos ng Deparment of Interior and Local Government (DILG) sa mga pamahalaang lokal na ipatupad ng mahigpit ang pagbabawal sa mga tricycle na dumaan sa mga national highways at upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa Balagtas intersection, ikinakasa ng lunsod ang pagbutas ng bagong alternatibong kalsada patungong Batangas City Grand Terminal at paglalagay ng flyover sa Balagtas Junction.
Ayon kay Congressman Marvey Mariño, isang alternatibong kalsada ang gagawin mula sa may bahagi ng Alangilan Central Elementary School pa-kanluran hanggang sa makaabot sa Batangas City Grand Terminal.
Sa puntong ito, mababawasan ang travel time patungong grand terminal na hindi na kinakailangang umikot pa sa Balagtas Junction.
Gayundin naman, mayroon na rin aniyang isinagawang pag-aaral para sa isang flyover mula sa exit ng STAR Tollway pakanluran na durugtong sa Balagtas-Bolbok-Pier Diversion Road upang ang mga sasakyang galing sa Diversion Road na papasok sa STAR Tollway at mga galling STAR Tollway na papuntang Diversion/Grand Terminal Area ay hindi na makipag-agawan pa sa masikip na Balagtas Junction.
Aniya pa, kaniyang idinulog na sa pamahalaang nasyunal ang bagay na ito upang mapaglaanan kaagad ng pondo sa malapit na hinaharap.|#BALIKAS_News
[Photo credit to: BarakoPH]