By JOENALD MEDINA RAYOS
BAUAN, Batangas – KINASUHAN na ng pulisya ang itinuturong gunman o suspek sa pagpatay kay Noel Miralles, Municipal Election Officer ng bayan ng Mabini, noong Lunes sa bayang ito.
Nasa harap ng Citimart mall sa kahabaan ng Kapitan Ponso St., sa bayang ito noong Lunes ng hapon ang biktima at nag-aabang ng masasakyang dyip pauwi sa Lunsod Batangas nang biglang lapitan ng isang lalaki at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 baril.
Kaagad naman siyang isinugod sa Bauan General Hospital ngunit hindi na ito nakaabot pa ng buhay sa nasabing pagamutan ayon kay Dr. Aries J. Bautista, attending physician.
Dahil dito, kaagad na binuo ni Police Senior Superintendent Edwin Quiltes, provincial director, ang Special Investigation Task Group (SITG) at kinabukasan rin ay kaagad na tumawag ng kumpiresnya upang tugisin ang maaaring may pananagutan sa krimen.
Matapos tumugma sa facial sketch ang umano’y suspeks a pagpatay batay sa mga nakasaksi, kinilala lamang sa tawag na alyas Bayawak ang naturang suspek na umano’y sangkot din sa sindikato ng gun for hire.
Miyerkules ng hapon, isinampa na sa Office of the Provincial Prosecutor sa Batangas City ang kasong murder laban sa suspek samantala ay patuloy ang malalimang imbestigasyon ng SITG MIRALLES para sa ikadarakip ng suspek at ang pagtuklas sa iba pang maaaring may pananagutan sa naturang krimen.|#BALIKAS_News