By JOENALD MEDINA RAYOS
PAGTUTUWANGAN na nina Senador Joseph Victor ‘JV’ Ejercito at Batangas City Lone District Congressman Marvey Mariño na maitaas ang antas ng Batangas Medical Center (BatMC) bilang pambansang pagamutan at doblehin pa ang kapasidad nitong 500-bed at gawing 1000-bed sa malapit na hinaharap.
Sa kaniyang pagbisita sa naturang ospital nitong Lunes, Marso 4, sinabi ni Ejercito na higit na mas magiging kapaki-pakinabang sa publiko ang BatMC kung dodoblehin ang kapasidad nito, lalo na at ito ang nag-iisang medical center o pambansang pagamutan sa buong CALABARZON Region.
Dating Batangas Regional Hospital, naitaas ang antas ng pagamutan nang isulong ni Gobernador Hermilando Mandanas noong Konggresista pa siya ng Ikalwang Distrito ng Batangas (14th Congress) hanggang sa maging isang ganap na ngang medical center.
Ngunit sa mabilis na pagsulong ng rehiyon at mabilis na paglobo ng populasyon, kinakailangan nang mapalawak ang serbisyo nito sapagkat hindi lamang mga taga-Lalawigan ng Batangas ang nagpapagamot dito kundi maging mga taga karating-lalawigan sa mga rehiyon ng Calabarzon at Mimaropa.
Setyembre 9, 2016 inihain ni Batangas 1st District Congresswoman Eileen Ermita-Buhain ang House Bill No. 03714 para doblehin ang kapasidad ng BatMC. Ani Buhain, batay sa tala ng ospital, nasa average na 510 ang nagiging pasyente nito araw-araw o 25,000 sa buong taon. Matapos mai-refer sa Committee on Health noong Setyembre 28, 2016, na-pending na ito hanggang sa matapos ang 1st Regular Session ng Mababang Kapulungan.
Sa pagsisimula ng 2nd Regular Session, inihain ni Congressman Mariño ang House Bill No. 07301 noong Pebrero 2, 2018 at nai-refer din ito sa Committee on Health. Halos saktong isang taon ang nakalipas, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang panukalang-batas ni Mariño noong Pebrero 4, 2019 at nai-transmit na ito sa Senado makalipas lamang ang dalawang araw.
Sa HB 07301, hindi lamang ang pagdodoble sa kapasidad (bed capacity) sa ward ng ospital ang ipinanukala ni Mariño, kundi maging ang pagtatayo ng ilang palapag na gusali na mapaglagyan ng karagdagang operating theaters, laboratory units at dagdag na mga kapasidad ng Intensive Care Unit (ICU).
Dagdag pa rito, nakapaloob din sa panukalang batas ang pag-empleyo ng karagdagang kawani at paglalaan ng sapat na pondo para tiyaking maideliber ang mataas na antas ng serbisyo sa publiko.
Pahayag ni Senador Ejercito, inako na niya kay Congressman Mariño ang pag-sponsor sa Senado ng kaukulang Senate Bill para sambutin at tuwangan ang HB 07301 ni Mariño at nangakong tintindigan niya hanggang sa agarang maipasa ito at maging ganap na batas.
“Alam po natin kung gaano kabigat sa dibdib ang mga dinadalang agam-agam ng mga pasyente at ng kanilang mga tagapag-alaga; kaya sana naman ay huwag na nating pabigatin pa ito sa pamamagitan ng hindi maayos na pagtrato sa kanila,” dagdag pa ng senador.
Si Senador JV Ejercito ang pangunahing may-akda ng Universal Health Care Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakalipas na Pebrero 2019.|