By JOENALD MEDINA RAYOS
TATLONG lingo na ang nakalipas simula ng isailalim sa Enhance Community Quarantine ang National Capital Region (NCR) o ang Kalakahang Maynila, at mahigit dalawang linggo naman sa buong Luzon. Bukod sa iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay kailangan din nga na gumanap ang mga nasa posisyon para tulungan ang sambayang Pilipinong naiipit sa krisis na ito. Kaya naman ang tanong ngayon ay naka-ilang beses ka na bang nakatanggap ng ayuda, o may natanggap ka na bang ayuda?
Sa Lalawigan ng Batangas, kung ang isang household ay hindi pa nararating ng mga ayudang ito, kahit minsan, ano man ang katatayuan mo sa buhay, aba ay may dahilan nga para ikaw ay magtanong o paghanapan ang mga naka-posisyon. At kung ikaw ay nabibilang sa mga lubhang nangangailangan, o nasa bracket D at E ng lipunan, mas malaking dahilan para ikaw ay mag-alsa laban sa mga tutulog-tulog na opisyal.
Bukod sa mga ipinaganap na relief assistance distribution ng mga lungsod at munisipyo, may naunang P21.6-milyon na ini-release ang pamahalaang panlalawigan at ipinamahagi ng tig-P20,000 sa bawat barangay sa buong probinsya para gamitin sa mga pambili ng mga ayudang pagkain ng mga mamamayan. Saan nga ba makakarating ito kung sobrang malalaki ang mga barangay? Sa katulad ng ipinamahagi sa aming lugar [2 kilong bigas, 2 noodles, 1 maliit na sabon, 2 supot na dilis] na nasa P120-P130 ang halaga, aabot lamang sa 150 pamilya ang mabibigyan noong P20,000 na iyon.
Noong Biyernes, Abril 3, ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang panibagong P72-milyon na Supplemental Budget. Nitong Lunes, nagsimula na itong ipamahagi ng kapitolyo sa mga barangay, depende sa laki o liit ng populasyon ng isang barangay. Ayon sa nakaprograma sa budget, ito ay para sa mga vulnerable sector ng mga barangay gaya ng mga senior citizens, mga maglalako o magtitinda na nawalan ng kita, mga persons with disabilitiy, at iba pang katulad na sector. Hindi talaga ito para sa kalahatan katulad ng naunang tig-P20,000 bawat barangay, dahil may sadyang sektor nga pinaglaanan ng ayudang ito.
Nito ring Lunes, naglabas ng dagdag na guidelines si Gob. Hermilando I. Mandanas na maaari namang sa halip na cash ang ibigay sa mga beneficiaries na inisa-isa sa Supplemental Budget Ordinance ay maaari rin namang ibili na ito ng barangay ng bigas para ipamahagi sa karamihan ng mga mamamayan ng barangay. Kung magkagayon, maaaring ibili ng barangay ng food packs at madaragdagan ang naunang pamilya na maaaring nabigyan ng unang ayuda na tig-P20,000 bawat barangay.
Sa Batangas City, noon pa mang Marso 18, sinapulan ng pamahalaang lungsod ang pamamahagi ng mga food assistance sa mga mahihirap na pamilya sa mga barangay. Unang nahatidan ng tulong ang mga nasa Isla Verde at sa mga thickly-populated barangays na maraming mahihirap na mga pamilya.
Kasunod nito, ibobliga rin ni Pangulong Duterte na mamahagi ng ayuda ang mga barangay gamit ang kani-kanilang quick response fund na bahagi ng calamity fund ng bawat barangay. Natural na kung malalaki ang budget at ang Interanl Revenue Allotment ng isang barangay, ay malaki rin ang kaniyang Calamity Fund. Bukod dito, nagrelease din ang pamahalaang lungsod ng Batangas sa pangunguna ni Mayor Beverly Dimacuha ng tig-P20,000 cash sa bawat barangay para ibili ng mga food packs. Hiwalay ito sa naunang food assistance na ipinadala ng city sa mga barangay. Halos kasabay naman ang P20,000 cash na ito ng tig-P20,000 tseke na ayuda mula sa kapitolyo.
May ayuda rin mulas sa Department of Social Welfare and Development.
Sa Lipa City, ang sabi naman ni Mayor Eric Africa na nagpakalat sila ng 40,000 foodpacks sa 72 barangay ng lungsod. Tumanggap din ang Lipa City ng P1.44-milyon mula sa kapitolyo para ipamahagi ng tig-P20,000 bawat isang barangay. Sa ikalwang ayuda ng kapitolyo, halos siyam na milyong piso (Php 8,942,000.00) ang muling ibinigay ng probinsya para sa Lipa City.
Ang iba namang bayan sa lalawigan ay patuloy na namamahagi ng ayudang pagkain sa kanilang mga mamamayan.
Bukod pa sa mga ayudang galing sa pondo ng pamahalaan, may mga ayuda rin mula sa pribadong sektor na inihahatid mismo sa mga barangay. Ngayong mahigit dalawang linggo na ang nakalilipas mula ng ipatupad ang ECQ at ideklara ang State of Public Health Emergency, nakatanggap ka na ba ng relief packs? Ilang beses na? Kung wala pa, aba, tanungin mo ang mga opisyal ng iyong barangay kung bakit wala pa; at kung saan napapunta ang mga ayudang dapat ipamahagi.|