DAAN-DAANG mamamayang Batangueno ang nagtipon-tipon sa bayan ng Bauan, Batangas upang makiisa sa isinagawang Walk for Unity at Prayer Rally nitong Sabado, Pebrero 1.
Pasado alas-dose y media ng tanghali ay sama-samang lumakad ang mga nagsidalo mula sa Bauan Technical High School hanggang sa makarating sa Plaza Orense sa gitna ng Poblacion kung saan ay isinagawa naman ang Prayer Rally.
Ayon kay Jeff Orate, taga- pamuno ng United Batangas for Peace (UBP), isinagawa ang naturang pagkilos upang idulog sa Diyos ang aniya’y kawalang kaayusan at hindi Magandang nangyayari sa Lalawigan ng Batangas, partikular sa Ikalwang Disatrito ng lalawigan, ngayong papalapit na ang eleksyon.

Layunin din ng ginanap na Prayer Rally for Unity and Peace na ipanawagan sa mga lider ng pamahalaan at mnga konsernadong indibidwal na higit na kailangan ngayon ang pagkakaisa, pagsasaalang-alang sa dignidad ng pagkatao at serbisyo publiko, at paggalang sa bawat isa.
Kabilang sa mga nagsilahok na naturang pagkilos ay mula sa mga bayan ng Bauan, Mabini, San Pascual, San Luis, Lobo, Tingloy, Agoncillo, San Nicolas, Matasnakahoy, at iba pang bayan sa lalawigan ng Batangas. Mula sa iba’t ibang religious denominations, nagsama-sama sila para sa iisang layunin.

lakad-dasal para sa kapayapaan at pagkakaisa. [Itaas] Nanatiling magkakasama hanggang sa huling sandali ang mga dumalo mula sa iba’t ibang bayan sa Lalawigan ng Batangas sa isinagawang Unity Walk at Prayer Rally for Peace upang ipanawagan ang pagkakaroon ng kapayapaan at pagkakaisa para matiyak ang maayos at matapat na halalan sa Mayo 12, 2025.
[Ibaba] L-R Kabilang sa mga nagsidalo sina Mataasnakahoy Vice Mayor Jay Manalo Ilagan, dating Marina Deputy Administrator Nicasio Conti, Congressman Rodante Marcoleta, dating Deputy Speaker at Batangas’ 2nd District Congressman Raneo E. Abu, Bauan mayor Ryanh Dolor, Mrs. Wenda Dolor at Bauan vice mayor Ronald Crusat.|BNN photo by Jayson Aguilon / Ghadz Rodelas
Nagbigay naman ng mensahe ang ilang lokal na lider na nakilahok sa pagtitipon. Kabilang dito sina Dating Deputy Speaker at dating Kongresista ng Ikalwang Distrito ng Batangas Raneo E. Abu, mag-asawang Bauan mayor Ryanh at Wenda Dolor, Bauan Vice Mayor Ronald Crusat, mag-asawang Bokal Wilson at Jently Rivera, Bokal Arlina Bantugon-Magbuo, Ma- taasnakahoy Vice Mayor at pa- ngulo ng Vice Mayors League of the Philippines-Batangas Chapter, Jay Manalo Ilagan; Congressman Rodante Marcoleta at dating Marina Deputy Administrator Nicasio Conti.
“Nakalulungkot lamang at nakapanghihinayang na sa loob ng tatlong terminong tayo ay naglingkod sa distritong ito ay ating ipinakita ang pantay-pantay na paglilingkod at pakikisama sa lahat ng bayan ng Distrito at lahat ng barangay functionaries ay ating binuo at iginalang na parang isang pamilya. Ngunit pagkatapos ng ating termino ay pinagsamantalahan at winasak at pinagkaga-kagalit pa ng kasalukuyang namumuno ngayon sa Distrito,” pahayag ni dating Congressman Abu.
“Kailan man, hindi natin pababayaan na magpatuloy ang ganitong sitwasyon sa ating lala-
wigan, lalo na sa distritong ito. Kailan man, hindi tayo tatalikod sa anumang laban at patuloy nating itataguyod ang kapakanan ng ating mga kababayan,” dagdag pa ng dating mambabatas.
Bumuhos din ang pagpapakita ng suporta kay Bauan Mayor Ryanh Dolor, hindi lamang ng mga taga-Bauan, kundi ng lahat ng dumalo sa pagtitipon.
Naghayag din ng kaniyang mensahe ng pagtataguyod ng pagkakaisa at kapayapaan sa probinsya si Vice Mayor Jay M. Ilagan.
Sina Mayor Dolor at Vice Mayor Ilagan ay kapwa kabilang sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan na sinampahan ng mga reklamo sa Kongreso at mga isinasalang sa mala-sarswelang pagdinig ng Quad Committee ng Kongreso.
Ikinalulungkot naman aniya ni Congressman Marcoleta ang kawalang kaayusan ng takbo ng Senado at Kongreso, at nanawagan sa mga mamamayang Batangueno na maging mapanuri sa pagpili ng susuportahang kandidato sa darating na eleksyon.
Si incumbent Congresswoman Jinky Reyes-Luistro ay kasapi ng tinutukoy na Quad Committee na binubuo ng Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, and Public Accounts.
Bukod dito ay laganap din sa probinsya ang iba’t ibang uri ng kabi-kabilang panggigipit at pananakot gaya ng pagpapa-atras sa anila’y political harassment kina Mabini Mayor Nilo Villanueva, Bokala Arlene Magboo, at dating Lobo mayor Lota Manalo.
Ayon pa kay UBP head Jeff Orate, nakahanda silang sundan pa ang ganitong pagkilos kung kinakailangan upang makamit ang pagkakaisa at kapayapaan tungo sa isang maayos at tapat na halalan sa Mayo 2025.| – BNN News Team