IBAAN, Batangas – ISANG Batangueño mula sa bayang ito ang pinalad na manalo ng P29.7-milyong jackpot sa Grand Lotto 6/55 nitong Sabado. Siya ang ikatlong solo winner ng lotto at biglaang naging milyonaryo sa isang iglap lamang.
Sa advisory ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kahapon, Linggo, maswerteng naitaya ng nag-iisang bettor sa isang lotto outlet sa bayan ng Ibaan ang winning combination na 03-44-10-13-23-11.
Maaaring makuha ang premyo sa punong-tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City, dalahin lamang ang tumamang ticket, kalakip ang dalawang (2) valid identification cards o anumang dokumento ng pagkakakilanlan ng nanalo.
Ang Grand Lotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.
Samantala, alinsunod sa itinatadhana ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o TRAIN Law), pinapatawan ng 20% buwis ang premyo sa lotto na hihigit sa P10,000. Ito’y nangangahulugan na aabot sa may P5.74-M ang magiging buwis. Malaki pa rin naman ang maiuuwi ng nananlo na aabot sa P22.96-M.
Ito na ang ika-6 na pagkakataon ngayong buwan ng Enero, 2023, na ang jackpot sa mga bola ng lotto ay solong mapanalunan ng nag-iisang mananaya.
Kaya naman patuloy pa rin ang panawagan ng PCSO sa publiko na patuloy na tangkilin ang mga laro ng ahensya upang patuloy ring makalikom ng pondo para sa mga programang pangkalusugan, tulong medical at iba pang mga proyektong pangkawang-gawa ng PCSO.| – BNN