Ni MARIE V. LUALHATI
BATANGAS City — SINIMULAN na ng pamahalaang lunsod ang pagdiriwang ng 49th Batangas City Foundation Day sa pamamagitan ng Papuon sa Basilica ng Inmaculada Concepcion, June 6, kung saan lumahok ang pitong parokya sa lunsod upang sama-samang ipinalangin ang kapakanan, katahmikan at kaligtasan ng lunsod at pasalamatan ang mga biyayang natatanggap nito.
Ang Papuon ay isang religious tradition na humihiling ng biyaya sa Panginoon at nagpapasalamat din sa mga biyayang natanggap.
Bandang 2:00 ng hapon ng tinipon muna sa Basilik ang mga imahen ng Mahal na Birhen at Mahal na Sto Niño, Sta. Rita de Cascia mula sa Parokya ng Sta. Rita de Cascia ng Brgy. Bolbok, Sta. Maria Euphrasia mula sa Parokya ng St. Mary Euphrasia ng Brgy. Kumintang Ilaya, San Isidro mula sa Parokya ng San Isidro ng Brgy. San Isidro, San Pablo Apostol mula sa Parokya ng Isla Verde, San Miguel Arkanghel mula sa Parokya ng Brgy. Ilijan at ang Maluwalhating Krus mula sa Parokya ng Santisima Trinidad ng Pallocan West.
Sinimulan ang seremonya sa pamamagitan ng audio-visual presentation tungkol sa Tradisyon ng Papuon sa Lunsod.
Sumunod ang Te Deum na isang dasal sa wikang Latin na nagpapa-salamat sa Diyos sa pamumuno ni Rdo. Padre Aurelio Odong Dimaapi, Kura Paroko ng nasabing Basilica. Kasunod ang pagdarasal ng Rosario Cantada kung saan sa pagitan ng bawat misteryo ay kinakanta ng kantora ang mga relihiyosong awitin sa saliw ng tugtog ng musiko.
Pinangunahan naman ni Secretary to the Mayor, Atty. Victor Reginald Dimacuha ang Oratio Imperata, isang panalangin upang ipag-adya ang lunsod sa mga kalamidad at sakuna.
Kasunod nito ay ang pagbigkas ng Luwa at pagkanta ng Dalit sa bawat patron ng pitong parokya sa lunsod.
Ang huling bahagi ay ang pagtatalaga ng Lunsod Batangas sa Maluwalhating Krus, na ginampanan ni Atty. RD Dimacuha at ang sama-samang pag awit ng Papuri sa Diyos sa pangunguna ng lahat ng koro ng pitong parokya ng lunsod.|