By BHABY P. DE CASTRO
SAN PASCUAL,Batangas — ISINAGAWA ang Memorandum of Agreement(MOA) signing sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng San Pascual at Social Security System(SSS) Batangas Branch para sa KaltaSSS-Collect program sa Municipal Covered Court sa bayang ito noong ika-3 ng Setyembre.
Ang naturang programa ay mas kilala sa dating tawag na e-Alkansya Program kung saan awtomatikong binabawasan ng kanilang buwanang kontribusyon para sa SSS ang mga job order at contractual employees ng isang tanggapan.
Sa ilalim ng programa,sisiguruhin ng lokal na pamahalaan na regular na mababawasan at maibabayad sa SSS ang buwanang kontribusyon ng kanilang mga empleyado na kasali dito.
Kasama sa mga lumagda sa MOA sina SSS Vice President for Southern Tagalog Nilo Despuig,SSS Batangas Branch Head Engr. Edwin Igharas, San Pascual Mayor Rhoanna Conti at Municipal Administrator Manuel Mendoza..
Sa mensahe ni VP Despuig,binigyang diin nito ang patuloy na de-kalidad na serbisyong maaaring ibigay ng SSS sa kanilang mga miyembro gayundin ang mga benepisyo sa pagiging miyembro nito.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Engr. Igharas sa pakikipagtulungan ng Sangguniang Bayan upang maipasa ang resolusyon na ngsusulong ng programang ito sa naturang bayan.
Ayon kay Mayor Conti,nagpapasalamat din sya sa tanggapan ng SSS dahil ito ang kaunang KaltaSSS-Collect program at sinabing dahil sa self-employed status maaaring ituloy ng mga ito ang kanilang hulog kung pipiliin nilang hindi na maglingkod sa lokal na pamahalaan.
May 79 na job orders ang inisyal na nakibahagi dito ngunit inaasahang madaragdagan ito dahil sa pahayag ng iba pang JO employees ng kanilang interes na maging bahagi ng programa.
Mag-iisyu ang SSS ng agency reference number para dito kung saan nakalista ang mga pangalan ng JO employees at ang bayad ay diretso sa SSS Batangas branch habang hindi pa naiisaayos ang payment scheme sa mga tellering banks na accrtedited ng SSS.|#BALIKAS_News