SAN JOSE, Batangas – LIGTAS at malusog na pamilya at de kalidad na edukasyon ang susi upang masabing maunlad ang isang pamayanan, at iyan ang ating prayoridad para sa Lalawigan ng Batangas.
Ganito inilarawan ni Punumbrangay Walter Ozaeta, [kilala rin bilang “Kuya Kap Walter”] ang kabuuan ng kaniyang plataporma sa pagtakbo sa pagka-gobernador ng Lalawigan ng Batangas sa darating na May 12, 2025 National and Local Elections.
Ayon pa kay Kuya Kap Walter, titiyakin niyang maipatupad ang paglalaan ng libreng gamot (lalo na yung mga maintenance medicines ng katatandaan), at libreng hospitalidad sa bawat pamilyang Batangueno.
“Alam natin kung gaano kahirap sa bawat pamilya ang magkaroon ng nagkakasakit at nagpapa-ospital, lalung-lalo na sa mga kababayan nating kapus-palad, ngunit lalong mahirap kung sa mga ospital na pupuntahan mo ay sa pasilyo ka ilalagay, o hindi tinatrato nang maayos kung wala kang mai-deposit o paunang bayad,” pahayag pa niya.
Gayundin naman, nakapokus din siya sa pagtiyak ng libreng edukasyon sa bawat Kabataang Batangueno.
“Ang edukasyon ang susi upang umunlad ang isang indibidwal, kaya bukod sa malusog na pamilya, kailangan ding itiyak na ang mga Kabataang Batangueno ay nakapag-aaral ng libre,” dagdag pa ni Kuya Kap Walter.
Samantala, pinasinungalingan din ng tumatakbo sa pagkagobernador na aatras na siya sa laban sapagkat sa pag-iikot niya sa lalawigan ay nakita niyang may mga taong sumusuporta at naniniwala sa kaniyang adbokasiya.
Inaasahan rin aniya niya na magkaroon ng isang public debate kung saan ay magkakaharap-harap ang mga magkakatunggali sa bawat posisyon upang makita ng publiko kung gaano kaseryoso ang bawat isa sa kaniyang paglaban sa darating na eleksyon.
Nakikita rin niya aniyang sa mga tumatakbo sa pagka-bise gobernador ay si incumbent Gov. Hermilando I. Mandanas ang mas karapat-dapat maging susunod na tagapamuno ng Sangguniang Panlalawigan.| – Joenald Medina Rayos