By ARRIANE R. OLGADO
LIPA City – LALO pang pinalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Lipa sa pamamagitan ng City Health Office (CHO) ang patuloy information dissemination program nito at iba pang pagkilos upang mapanatili ang lungsod na ligtas mula sa banta ng 2019 Corona Virus Disease (COVID-19).
Ito ay matapos kumpirmahin nng isang pribadong ospital dito na may mga persons under investigation (PUIs) sa kanilang pasilidad.
“Patuloy ang aming info dissemination, at coordinated namin ang mga barangay na tuwing may uuwi sa kanila galing sa ibang bansa na may confirmed case ng COVID-19 ay kailangang ipagbigay-alam nila dito para mamonitor yun. Tapos ina-advice din namin sila ng 14 days quarantine kung wala namang sintomas gaya ng ubo, sipon, lagnat, sakit ng lalamunan, at hirap sa paghinga,” saad ni Ms. Melody Dimatatac ng CHO.
Ayon pa sa nasabing tanggapan, ibayong pag-iingat ay kailangan sa panahong laganap ang virus. Ipinapayo nila sa mga taong galing ibang bansa na walang sintomas o yung Person Under Observation na magsagawa na rin ng self-quarantine upang makasiguro na walang silang nakakahawang sakit at sa mga tao namang may travel history at may sintomas ng COVID-19 o yung Person Under Investigation ay agarang magreport sa mga kinauukulan.
Nitong nakaraang Miyerkules, Marso 11, naglabas ng advisory ang Mary Mediatrix Medical Center at kinukumpirma na may tatlo (3) pang PUIs sa kanilang pangangalaga matapos ang isa ay nag-negatibo na sa Covid-19 test. Ang mga natitirang PUIs ay naghi-hintay ng resulta ng test sa Regional Institute for Tro-pical Medicine (RITM).
Ayon pa sa MMMC ang mga natitirang PUIs ay pawang may travel history sa Japan at Italy.
Samantala, patuloy namang nananawagan ang ospital sa publiko na patuloy na gawin ang wastong paghuhugas ng kamay at tamang paraan ng pag-ubo at pagbahin.|- BALIKAS News Network