Sa harap ng banta ng African Swine Flu (ASF) sa Pilipinas, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pagbibigay-alam ng wastong impormasyon at paggawa ng mga balangkas upang maiwasang makapasok ang nasabing sakit ng mga baboy na epidemya ngayon sa 13 bansa sa mundo.
Sa pangunguna ng Batangas Provincial Veterinary Office (PVO), sinisimulan na ang mga konkretong hakbang upang maging ligtas ang Lalawigan ng Batangas sa ASF. Ayon kay Dr. Romel Marasigan, Batangas Provincial Veterinarian, nagpalagay na ang Department of Agriculture ng mga disinfection footmats sa mga paliparan at pantalan, kabilang ang Batangas International Port.
Nakipag-ugnayan na rin si Dr. Marasigan sa pamunuan ng Philippine National Police Batangas Provincial Office upang maglagay ng police presence sa mga Animal Inspection Checkpoints ng pamahalaang panlalawigan sa mga entry and exit routes ng Batangas Province.
Binigyang-diin ni Dr. Marasigan na hindi nakakahawa sa tao ang ASF, subalit malaking banta ito sa livestock industry ng lalawigan at ng buong bansa dahil nakamamatay sa baboy ang sakit sa loob lamang ng dalawa hanggang sampung araw.
Ibinahagi rin ng PVO ang ipinatutupad na panuntunan ng Bureau of Animal Industry na “B.A.B.E.S” na layong maiwasang makapasok ang ASF sa bansa. Ito ang B-an pork imports from 13 countries; A-void swill feeding o ang pagpapakain ng mga tirang pagkain ng tao sa mga baboy; B-lock entry at international ports; E-ducate our people; and, S-ubmit samples.|Vince Altar