By JOENALD MEDINA RAYOS
SUMIPA na sa 636 ang kabuuang bilang ng nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa matapos maitala ang karagdagang 84 na bagong kaso sa nakalipas na 24-oras.
Sa datos ng Deparment of Health (DOH) na inilabas ngayong alas-4:00 ng hapon, Marso 25, naragdagan din ng anim ang mga nakarecover kaya nasa 26 ang kabuuang bilang nga mga nakaligtas at patuloy na umaayos ang kalagayan matapos makipagbuno sa epidemyang ito.
Kabilang sa mga nakarekober ang 64-taong gulang na Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Lemery Batangas (P95) na bumiyahe pauwi sa Pilipinas mula bansang Italy na nagkaroon ng onset ng sintomas noong Marso 6, na-admit sa Mary Mediatrix Medical Center sa Lipa City hanggang sa makumprimang positibo sa COVID-19 noong March 14 at inilipat sa San Lazaro Hospital ng araw din iyon. Matapos ang dalawang beses na pag-negative sa test at mawala na ang mga sintomas ng sakit, inilabas siya ng ospital kahapon, Marso 24. https://balikas.net/3rd-case-ng-covid-19-sa-batangas-kinumpirma-ng-mediatrix/
Dalawa pang pasyente mula sa San Juan City sa Metro Manila ang nakarekober, gayundin ang isang taga-Quezon City at isang taga-Pasig City na kapwa bumiyahe mula sa Taiwan.
Tatlo naman ang sinawimpalad na hindi nakabawi sa kamandag ng COVID-19 โ sina P319 ng Quezon City, PH326 ng Caloocan City at PH29 ng Marikina City. Kapwa walang travel history sina PH319 at PH 326, ngunit si PH29 ay bumiyahe mula sa Estados Unidos.
Patuloy naman ang panawagan ng pamahalaan sa taumbayan na igalang at sundin ang mga tagubilin ukol sa social distancing at ang mga regulasyong kaakibat ng enhanced community quarantine sa buong Luzon. Tiniyak naman ng DOH na patuloy ang kanilang pagsusumikap na matulungang mapadali ang paghahanda ng iba pang testing laboratories sa labas ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).|- BALIKAS News Network