By JOENALD MEDINA RAYOS
LEMERY, Batangas โ TILA nakakita ng multo o anumang kababalaghan ang mahigit isang libong karaniwang mamamayan sa bayang ito at mga karatig-bayan sa Unang Distrito ng Batangas sa pagsapit paggunita ng Undras at masundan ng kung anong kamalasan pagsapit ng Lunes, Nobyembre 4.
Itoโy matapos bumulaga sa kanila ang anunsyo ng pagsasara ng Rural Bank of Lemery, Inc. at ang pagsailalim nito sa receivership ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC).
Bago pa sumapit ang long week-end vacation, ibinaba ng Monetary Board (MB) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Oktubre 31, 2019 ang desisyon nitong itigil na ang operasyon ng Rural Bank of Lemery at inutusan ang PDIC na i-take over ang bangko at simulan ang liquidation process epektibo noong Lunes, Nobyembre 4.
Ang Rural Bank of Lemery ay isang single-unit rural bank [o walang sangay] na may tanggapan sa kahabaan ng Illustre Ave., Brgy. District I sa bayang ito.
Batay sa pinakahuling tala noong Hunyo 30, 2019, ang nagsarang bangko ay may kabuuang 1,096 deposit accounts at pananagutang impok na Php 69.56 milyon sa mga depositor. Nasa Php 64.9 milyon dito o katumbas ng 93.29% ay nakaseguro sa PDIC.
2 pang bangko, isinara din
Samantala, sa ikatlong araw matapos mag-take over ang PDIC sa Rural Bank of Lemery, dalawa pang bangko ang isinara ng Monetary Board ng BSP noong Nobyembre 7 โ isang nakabase sa Lungsod Batangas at isa sa Lungsod ng Mandaluyong, Kalakhang Maynila.
Sa pamamagitan ng MB Resolution Nos. 1704.C at 1704.D, iniutos ng MB-BSP ang pagsasara ng Maximum Savings Bank, Inc. at AMA Rural Bank of Mandaluyong, Inc., ayon sa pagkakasunod. Iniutos din ang pag-take-over dito ng PDIC kinabukasan, Nobyembre 8.
Ang Maximum Savings Bank ay ang five-unit thrift bank na may punong tanggapan sa Antonio A Pastor Bldg., 24 P. Burgos St., Barangay 16 (Pob), sa Lungsod Batangas. Mayroon itong apat (4) na sangay sa Lungsod ng Muntinlupa, Lungsod Batangas; Lungsod ng Calapan at Puerto Galera, kapwa sa Oriental Mindoro.
Sa huling tala ng bangko noong Hunyo 30, 2019, ang MaxBank ay may kabuuang 3,487 deposit accounts na may kabuuang pananagutang Php 158.0 milyon. Maliit na bahagdan lamang nito, o kabuuang Php 60.6 milyon (38.34%) ang nakaseguro sa PDIC.
Sa kabilang dako, ang AMA Rural Bank of Mandaluyong naman ay may punong tanggapan sa No. 311, Shaw Blvd., Brgy. Hagdang Bato Libis, Lungsod Mandaluyong. Matatagpuan ang kanilang 12 sangay sa Lungsod Pasig; Lungsod Baguio; Lungsod ng San Fernando, La Union; Lungsod Tuguegarao, Cagayan; Baliuag, Bulacan; San Fernando, Pampanga; Lungsod ng Bacoor, Cavite; mga bayan ng Cainta at Morong sa Rizal; Lungsod ng Calamba at Lungsod ng San Pablo City sa Laguna; at bayan ng Palo sa Leyte.
Ang AMA Bank ay miyembro ng AMA Group of Companies ng negosyanteng si Amable Aguiluz na may-ari rin ng AMA Computer Colleges at AMA Computer Learning Centers (ACLC).
Ayon sa MB-BSP, sa pinahuling tala noong Hunyo 30, 2019, ang AMA Bank ay may kabuuang 8,434 deposit accounts at pananagutang impok na Php1.4 bilyon na halos lahat naman (92.06%) ay nakaseguro sa PDIC.
Sa tatlong bangkong ito na nagsara, umabot sa kabuuang 13,017 deposit accounts ang apektado, samantalang halos Php 1.628 bilyong deposito ang naiipit; samantalang mahigit Php 203 milyong deposito ang hindi nakaseguro sa PDIC.
Tiniyak naman ng PDIC na lahat ng deposito na may maayos na rekord ay makakukuha ng kabayaran hanggang sa maximum na P500,000.00 bilang seguridad ng kanilang deposito. Mauuna rito ang mga depositing nasa P100,000.00 pababa.
Ayon sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas, umaabot na sa 11 bangko ang isinara ng Monetary Board ngayong taon matapos kakitaan ng iregularidad sa operasyon, mababang liquidity, o kakulangan ng sapat na paneguro sa mga deposito. Mula noong 2016, umabot na sa 52 bangko ang isinara ng BSP-MB โ 12 noong 2018, pito (7) noong 2017, at 22 noong 2016.|-Balikas News Network