By RONNA ENDAYA CONTRERAS
TUNGO sa iisang layunin na lalo pang isulong ang industriya ng turismo sa Lalalwigan ng Batangas, nagtipun-tipon sa Lunsod Batangas ang mga city at municipal tourism officers sa Lalawigan ng Batangas, kasama ang mga bloggers at tour operators nitong Huwebes, Abril 12.
Bilang mainit na pagtanggap sa kanila, nagdaos ang pamahalaang lunsod ng Mayor’s Night sa Batangas City Convention Center noong April 12 kung saan nagtanghal ang mga local talents.
Ipinakita ng mga estudyanteng miyembro ng grupong Likhang Sining Folk Dance Troupe ng Marian Learning Center and Science High School ang angking husay nila sa iba’t ibang katutubong sayaw.
Nagpakitang gilas naman sa ballroom dancing ang mga mag-aaral ng Batangas State University.
Rumampa ang mga Batanguena beauties at title holders suot ang mga gowns na likha ng sikat na fashion designer at make-up artist na si Ariane Gamboa.
Hindi rin nagpahuli ang mga piling empleyado ng pamahalaang lunsod sa pag-awit ng OPM songs at pagtatanghal ng isang comic skit kung saan ipinapakita ang lengwahe at puntong Batangueño.
Sa mensahe ni Mayor Beverley Rose Dimacuha na kinatawan ni LEIPC Officer Erick Sanohan, nagpasalamat siya sa Batangas Tourism and Cultural Affairs Office (BATOA) sa pag-aanyaya sa mga kilalang tour operators at bloggers upang higit na maipakilala sa bansa ang lunsod at makaakit ng mga turista.
“Inaasahan naming magiging isang panimula lamang ng isang matibay at matagalang ugnayan ito upang maihatid sa higit na nakararami ang paanyaya na pumarine sa Batangas City,” dagdag pa ng Mayor.
Ang naturang programa ay sa ilalim ng pangangasiwa ng Batangas City Cultural Affairs Committee sa pangunguna ni City Tourism Officer Eduardo Borbon.
Noong April 13 naman isinagawa ang familiarization tour sa Batangas Port, Basilica of the Immaculate Conception, Museo Puntong Batangan at Montemaria pilgrim site.| #BALIKAS_News