By RONNA ENDAYA CONTRERAS
TIYAK na magiging maayos na ang kondisyon ng mga bilanggo sa Batangas City Jail kapag nakalipat na sila sa dalawang bagong gusali rito.
Upang mabigyan ng maayos at makataong kulungan ang mga naturang bilanggo sa BJMP facilities sa Barangay San Jose Sico, dalawang gusali ang ipinagawa rito na pinondohan ng pamahalaang nasyunal sa ilalim ng OPLAN Decongestion program ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Panahon ni dating Pununlunsod Eduardo B. Dimacuha noong 2004 ng pagkalooban ng pamahalaang lunsod ng lote ang nasabing kulungan para sa konstruksyon ng dalawang gusali.
Noon ding Huwebes, Abril 19, pinangunahan nina Congressman Marvey Mariño at Mayor Beverley Dimacuha ang blessing at inagurasyon ng proyektong ito na magbibigay ng bagong mukha sa kulungan sa lunsod kung saan ang mga preso ay higit na komportable at maayos ang kondisyon.
Tig-isa ng gusali ang mga babae at lalakeng preso kung saan may apat na kwarto o selda sa bawat palapag ng gusali.
Hindi muna makakalipat sa bagong gusali ang mga preso hanggang hindi pa nagagawa ang perimeter fence dito.
Magkakaroon din ng segregation and classification scheme na ipatutupad sa city jail kung saan malalaman kung sino ang magkakasama at gagamit ng bagong gusali.
Sa kasalukuyan ay may 499 lalaki at 116 babaeng preso dito.
Kaalinsabay ng naturang blessing ay ang pormal na pag turn over ng prisoners van na kaloob ng pamahalaang lunsod. Ito ay gagamitin ng mga bilanggo sa pagdalo sa pagdinig ng kanilang mga kaso sa korte.
Dumalo sa naturang okasyon sina Regional Director Jail Chief Superintendent Efren Nemeño at Jail Superintendent Lorenzo Reyes.
Ayon kay Nemeño, ang Region IV-A ang isa sa may pinaka congested na mga bilangguan; kung kayat nabigyan ng prayoridad ng pamahalaang nasyunal ang Batangas upang mabigyan ng maayos na pasilidad ang mga bilanggo dito.
Mayroon pa aniyang pending request na P 40 milyon sa Congress para naman sa perimeter fence at administration office ng BJMP. Hiningi niya ang suporta ni Congressman Mariño upang maaprubahan ito sa kongreso.
Sinabi ni Rep. Mariño na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang maaprubahan sa Kongreso ang pondo at makalapit sa nararapat na ahensya para sa kostruksyon ng perimeter fence sa nasabing kulungan. “Ang Batangas City ay isang premiere city kayat nararapat lamang na magkaroon dito ng mga magagandang pasilidad,” dagdag pa ng congressman.
Sinabi naman ni Mayor Dimacuha na maganda ang pagkakagawa ng gusali at magiging komportable at maayos ang kalagayan ng mga bilanggo.
Nagpaabot ng taus-pusong pasasalamat si Reyes sa suportang ipinagkakaloob ng pamahalaang lungsod. Maswerte aniya sila sa pagkakaroon ng very supportive na chief executive.|#BALIKAS_News