In photo: MATAPOS samahang mag-file ng COC sa Lipa City ang tambalan nina Gng. Bernadette P. Sabili (for mayor) at ex-mayor Ruben L. Umali (for vice mayor) sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC), binawi naman ng partido ang naunang CONA ni Mayor Meynard Sabili na tumatakbo sa pagka-kongresista ng Lunsod ng Lipa.|EDGAR Q. RODELAS
By JOENALD MEDINA RAYOS
LIPA City – “TUMAWAG kanina ang Secretary-General ng Nationalist People’s Coalition (NPC) at sinabi niya na ipinasasabi ng National Headquarters ng NPC na nakiusap si Senator Ralph Recto na ipinatatanggal ako sa partido ng NPC, bandang alas-tres ng hapon (Oktubre 17).”
Ito ang malungkot na pahayag ni Lipa City mayor Meynard Sabili nang kapanayamin ng mga mamamahayag nang bigla itong sumulpot sa Provincial Election Office pasado alas-kwarto ng hapon noong Miyerkules o kulang na sa isang oras bago ang itinakdang pagsasara ng filing of Certificate of Candidacy (COC).
Bungad na pahayag ni Sabili, “Hindi ko alam kung bakit nila patuloy na ginagawa ito sa akin gayung wala naman akong ginagawang masama sa kanila, di ko alam kung bakit gusto nilang alisan ako ng partido”.
Bago ito, naghain ng kandidatura si Sabili sa pagka-kongresista ng Lipa City Lone District (6th District) noong Lunes ng umaga, Oktubre 15, sa ilalim ng NPC. Makakatunggali niya sa darating na halalan si incumbent Congresswoman Vilma Santos Recto ng Nacionalista Party (NP).
Ayon pa kay Sabili, ang kaganapang ito ay isang uri ng panggigipit sa katulad niyang ang tanging hangad ay maipagpatuloy ang pagseserbisyo sa publiko.
Ayon naman sa Comelec, kung babawiin nga ng NPC ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) na inisyu ng partido kay Sabili, kailangang may matanggap na Notice of Withdrawal (of CONA) ang Comelec mula sa issuing party para tuluyang mabawi ang nasabing CONA.
Sakali ngang tuluyang mabawi ang nasabing CONA, magiging independent candidate na lamang si Sabili.
Pahayag ni Sabili, mahalaga sa isang kumakandidato ang pagiging kasapi ng isang partido upang kung sakali mang ma-disqualify o may mangyari sa kandidato, siya ay maaaari mapalitan.
Sa isang panayam, ikinalungkot naman ni NPC Secretary-General Mark Llandro Mendoza ang sinapit ni Mayor Sabili. Aniya, naniniwala siya sa liderato ng alkalde. Katunayan nito, ang panganay na anak ni Mendoza na si Marcus ay tumatakbo sa pagka-konsehal ng Lipa kasama ng Tambalang Sabili-Umali na pawang nasa ilalim ng NPC.
Tatlong taon na ang nakararaan, pinigil din umano ni Senador Recto ang pagbibigay kay Sabili ng CONA ng Liberal Party (LP) kung saan pare-pareho silang kasapi ng partido. Dahil dito, nakahanap naman ng kakampi ang grupo ni Sabili sa National Unity Party (NUP) kaya sa ilalim ng naturang partido tumakbo at nanalo sa kaniyang ikatlong termino ang alkalde.
Ayon sa mga Sabili, nagsimulang magalit umano sa kanila ang mga Recto nang magdesisyong tumakbo sa pagka-kongresista ang maybahay ni Sabili na si Gng. Bernadette P. Sabili katapat ni Congw. Vilma Santos-Recto. Para sa 2019 elections si Gng. Sabili ay tumatakbo sa pagka-alkalde, samantalang si Mayor Meynard ang makakatapat ni Congw. Santos-Recto sa pagka-kongresista ng Lipa City Lone District.|#BALIKAS_News