MAAARI umanong matapos ang isinasagawang recount at magkaroon ng desisyon ang Commission on Election (Comelec) sa nakahaing electoral protest na isinampa ni Mayoralty candidate Bernadette P. Sabili laban sa iprinoklamang mayor ng Lungsod ng Lipa, Eric B. Africa.
Sa isang panayam kay Atty. George Erwin Garcia, kilalang election lawyer at dekano ng isang kilalang law school, iniutos umano ng Comelec na ituloy na ang recount ng mga balota sa mga contested precincts at kaalinsabay nito ay ang technical examination ng mga nasabing balota kung may dayaan nga bang naganap sa nakalipas na halalan.
Matatandaang inihain ni Gng. Sabili ang kaniyang protesta batay sa mga umano’y alingasngas at dayaan sa nakalipas na eleksyon. Sa mga presintong napili ng kampo ni Sabili bilang mga pilot precincts at contested precincts ay mayroon ding pinili ang kampo ni Africa para sa kanilang counter-protest.
Kaugnay nito, hinamon ni Gng. Sabili ang kampo ni Mayor Africa na tigilan ang umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon na umano’y tapos na ang recount o naibasura na ng Comelec ang nasabing protesta, sa halip ay igalang ang umuusad na proseso at tanggapin na lamang kung ano ang magiging hatol ng otoridad sa protestang ito.| –BNN