HUMIGIT-KUMULANG sa 1,000 indibidwal na kinabibilangan ng mga magsasaka mula sa bayan ng Nasugbu, Batangas, na pinangunahan ni Vice Mayor Mildred Sanchez, ang nagprotesta sa Freedom Park ng Lungsod Makati nitong nakaraang Huwebes, Hunyo 6, upang labanan ang umano’y nakaambang pagpapalikas sa may 50,000 residente ng Hacienda Palico, Hacienda Banilad at Hacienda Kaylaway sa naturang bayan upang bigyang daan ang planong malawakang proyekto ng Roxas and Company, Inc. (RCI)
Kasama ng grupo ni Sanchez ang mga miyembro ng kaniyang Sanggunaing Bayan, at ang mga opisyal ng barangay ng siyam (9) na barangay na sumasaklaw sa may 2,941 ektaryang lupain sa Nasugbu.
Sa kanilang pagpoprotesta, tinungo ng mga nagprotesta ang mga unong tanggapan ng Bank of the Philippine Islands (BPI), Development Bank of the Philippines (DBP), at ng mismong RCI, saka dumeretso sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR), Land Bank of the Philippines (LBP), at sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), kung saan ay namahagi sila ng mga sipi ng Sangguniang Bayan Resolution No. 118.
Panawagan ng mga taga-Nasugbu, sa pamamagitan ng natuirang resolusyon, na huwag suportahan ng BSP, LBP, DBP, at BPI, ang pamumuhunan ng RCI hanggat hindi umano nito natutupad ang obligasyon nito sa mga magsasakang apektado sa Nasugbu.
Nagpahayag naman ang BPI ng suporta sa mga taga-Nasugbu sa pamamagitan ng ganitong pahayag: “BPI will seriously consider the contents of the SB Resolution 118, especially the concern of your Sangguniang Bayan for the farmers of your good town in the conduct of its business in the area.”
Sa kabilang dako, kinumpirma naman ng Land Bank, DBP, at ng mismong BSP na makikipag-ugnayan sila sa pamahalaang lokal ng Nasugbu upang talakayin ang nilalaman ng naturang resolusyon.
“We are encouraged by the willingness of government agencies and financial institutions to support Nasugbu. We are calling for more equitable compensation for our residents and a commitment that there will be no forced eviction in the Roxas Haciendas,” pahayag ni Vice Mayor Sanchez.
Dagdag pa niya, “The collection of real property taxes from RCI can also be used by our municipality for healthcare, education, and other social services, to improve the standard of living in our town.”|-BALIKAS News