By JOENALD MEDINA RAYOS
NASA kamay na muli ng mga ‘Corona’ ang liderato ng pamahalaang lokal sa Lunsod ng Tanauan, Batangas.
Ito’y matapos makapa-numpa si Mayor Jhoanna Corona-Villamor bilang kapalit ng yumaong si Mayor Antonio Halili na pinaslang habang dumadalo ng flag raising ceremony noong Hulyo 2, Lunes ng umaga.
Si Mayor Jhoana ay dalawang beses na naging runing-mate ni Halili noong 2013 at 2016 local elections at naging masugid na tagasuporta at katuwang ng yumaong alkalde sa pagpapatakbo ng pamahaaang lunsod kung kaya’t sumulong ang syudad sa pag-unlad nito sa kasalukuyang estado.
Si Mayor Jhoana ang ikalawang Corona na naupo bilang pununlunsod ng Tanauan kasunod ng kaniyang amang si Bokal Alfredo C. Corona na ngayon ay nasa ikatlong termino na ng pagiging bokal ng Ikatlong Distrito.
Bukod sa alkalde, nasa mga Corona na rin ang posisyon ng Ikalawang Punun-lunsod matapos makapanumpa si dating First Councilor at ngayo’y Vice Mayor Benedicto Corona na tiyuhin din ni Mayor Jhoana at pamangkin naman ng dating Supreme Court Justice Renato Corona.
Sa kaniyang pag-upo bilang alkalde, tiniyak naman ni Mayor Jhoana na ang mga programang magsusulong pa sa kaunlaran ng lunsod ng Tanauan na sinimulan ni Mayor Halili ay tinitiyak niyang magtutuluy-tuloy at lalo pang padadamihin ang mga programang magsusulong sa mga Tanaueño na suportado din naman ng Sangguniang Panlunsod sa pamumuno ni Vice Mayor Ben Corona.
Sa pagbabalik sa mga Corona ng liderato ng pamahalaang lunsod, isang katanungan ngayon ukol sa takbo ng pulitika sa lunsod ay kung sino sa kanila ang tatakbong alklade sa nalalapit na 2019 local elections — kung si Mayor Jhoana na kasalukuyang nagdadalang-tao na, o kung ang kaniyang amang si Bokal Fred na ngayon ay graduating na sa pagiging bokal, o kung si Vice Mayor Ben baga. Ito ang kaganapang patuloy na tututukan ng mga political observers nalalapit na hinaharap.|#BALIKAS_News