By JOENALD MEDINA RAYOS
IPINATAWAG ng Department of Natural Resources (DENR) – CALABARZON nitong Biyernes, Enero 18, ang mga may-ari at operators ng mga livestock farms sa lalawigan ng Batangas na nabigyan ng Notice of Violations (NOV) para sa isang kumperensya sa Batangas City Convention Center.
Layunin ng kumperensyang ito na masolusyunan ang patuloy na pagkalason ng Ilog Calumpang at iba pang sapa at ilog sa lalawigan dulot ng pagpapadaloy rito ng mga dumi ng hayop.
Binibigyan ng tatlumpung (30) araw ang mga may-ari ng livestock farms na sumunod sa Clean Water Act gaya ng pagtatayo ng mga waste treatment facilities at pagkuha ng Discharge Permit bago padaluyin ang mga duming dumaan na sa nasabing mga treatment procedures.
Ayon kay Ann Hazel Javier ng Regional Public Affairs Office ng DENR-IV A, nasa 200 operators sa Batangas ang nabigyan ng Notice of Violations, at ang mga hindi nagsidalo sa naturang kumperensya ay idudulog na ng kagawaran sa Pollution Adjudication Board (PAB) para siyang humawak sa kanilang kaso.
Higit pa sa pagsunod sa pagkakaroon ng Discharge Permits, nais ni DENR-IV-A Regional Director Ma. Paz Luna na magkaroon ng tunay, sapat at gumaganang waste water treatment facilities ang mga farms na ito, upang masiguro na hindi maruming tubig ang itatapon sa anumang sapa o ilog.
Ang mahuhuling patuloy na lumalabag ay kakasuhan na at papatawan ng arawang multa mula sa paglalabas ng babala.
Kaugnay nito, nananawagan din ang DENR-IV A sa publiko na maging aktibong katuwang ng ahensya at hinihikayat na iparating sa kanila ang mga reklamo at sumbong sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga litrato, pangalan ng may-ari at lugar ng mga livestock farm na inirereklamo o lumalabag sa batas.
Samantala, nakatakda ring magsagawa ng katulad na kumperensya ang DENR CALABARZON sa iba pang mga lalawigan sa rehiyon gaya ng Laguna, Rizal, Quezon at Cavite bilang pagtalima sa programa ni Kalihim Roy A. Cimatu na muling buhayin ang mga anyong tubig gaya ng ginawa sa Boracay at ngayon naman ay isasagawa sa Look ng Maynila.|#BALIKAS_News