By Louise Ann C. Villajuan
TANAUAN City – SINIMULAN nang ilunsad ang Locally Stranded Individual (LSI) One Stop Shop noong Hunyo 8, 2020 sa Governor Modesto Castillo Memorial Cultural Center sa Lungsod ng Tanauan upang tuwirang maaksyunan ang pagpoproseso ng mga dokumento ng mga dumadating o umaalis na LSI sa lungsod.
Ipinatupad ang naturang programa sa inisyatiba ng Pamahalaang Lungsod ng Tanauan, sa pangunguna ni City Mayor Mary Angeline Y. Halili kasama ang Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni City Vice Mayor Herminigildo G. Trinidad Jr. Inupuan ito ng mga kinatawan ng tanggapan ng City Administrator’s Office, City Health Office, DILG-Tanauan City, City Social Welfare and Development (CSWD) Office, at Tanauan City PNP.
Layunin ng programang ito na mapadali ang pagbibigay-serbisyo sa mga LSI at mga may “indispensable travels” palabas ng lungsod na mangangailangan ng partikular na dokumento gaya ng Travel Pass, Medical Clearance, Travel Authority at kaugnay na koordinasyon mula sa mga nabanggit na tanggapan. Ang One Stop Shop na ito ay bukas Lunes hanggang Biyernes mula ika-8:00 ng umaga hanggang ika-5:00 ng hapon.| Photo Courtesy: Roderick P. Lanting