By JERSON J. SANCHEZ
BATANGAS City โ BILANG na ang oras ng maiingay na motor sa lunsod. Ito ay matapos na maghain ng isang panukalang ordinansa hinggil sa mga modified o altered na exhaust pipes ng motorsiklo si Kagawad Karlos Buted sa lingguhang sesyon ng Sangguniang Panlunsod noong Martes, Hulyo 24.
Ang panukalang ordinansa na may pamagat na โAn Ordinance Prohibiting the Driving of Motorcycles and Motorized Vehicles Within Batangas City without the Original Installed Silencer Components at theย Exhaust Pipe of the Motorcycle Engines,โ ay nakapasa na sa first reading at nakatakdang dumaan sa committee hearing sa ilalim ng Committee on Laws, Rules and Regulations.
Ginawang batayan ng paghahain ng panukalang ordinansa ang Project-CDROM (Cityโs Desire to Reduce Open Mufflers) ng Batangas City PNP at RA 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.
Ayon kay Buted, marami sa mga may-ari ng motorsiklo ang nagpapaganda ng kanilang sasakyan kasama na rito ang modification o pagpapalit ng tambutso na nagdudulot naman ng โbooming soundโ na maririnig ilang kilometro ang layo.
โNaiintindihan po natin na nais lamang nilang pagandahin ang kanilang sasakyan. Pero marami po kasi ang nagrereklamo laban sa mga open pipes. Ilan na dito yaong mga residente na nagigising kung may nagmomotor sa gabi o madaling araw na may open pipe,โ dagdag pa ng kagawad.
Sinabi rin niya na ayon sa pag-aaral ng PNP, nagiging rason din ng aksidente ang mga ito kung kayaโt nararapat lamang na aksyunan na ang ganitong mga uri ng motorsiklo.
Nakapaloob din sa panukalang ordinansa na lahat ng drayber at operators ng motorsiklo ay nararapat maglagay ng silencer sa kanilang mga tambutso. Itinuturing na labag sa batas ang pagpapatakbo ng motorsiklo na walang kaukulang exhaust silencer laloโt higit sa mga maiingay na yunit.
Ang mahuhuling lumabag kapag napagtibay na ang panukalang ordinansa ay maaaring magmulta ng P2,500. Maaari ring ma-impound ang motorsiklo at ang mga modified na parte nito ay kukumpiskahin.
Matapos mabayaran ang multa at maibalik ang orihinal na piyesa ng tambutso, kasama na ang P200 na impounding fee kada araw, dito pa lamang maaaring i-release ang impounded na sasakyan.
Nakatakdang isalang sa committee hearing ang naturang panukalang ordinansa sa susunod na linggo.|#BALIKAS_News