MULING direktang magkukrus ang landas nina Gobernador Hermilando I. Mandanas at si dating Bise Gobernador Richard G. Recto sa darating na May 9, 2022 National and Local Elections.
Ito’y matapos maghain ng kandidatura si Recto sa pagka-gobernador at hamunin sa halalan si Gob. Mandanas.
Si Mandanas ang kauna-unahang naghain ng kandidatura sa pagka-gobernador sa pagbubukas ng itinakdang panahon sa paghahain ng Certificate of Candidacy noong Biyernes, Oktubre 1; samantalang si Recto naman ang kahuli-hulihang naghain ng kandidatura sa kaparehong posisyon sa huling araw nitong Biyernes, Oktubre 8.
Matatandaang matinding nagkabanggaan ng prinsipyo sa pamamahala ang dalawang political leader noong huling bahagi ng dekada 90. Magkasabay naglingkod bilang gobernador at bise-gobernador sina Mandanas at Recto, ayon sa pagkakasunod, noong mga taong 1995-1998 at 1998-2001.
Unang naghain ng kandidatura sa pagka-gobernador si Recto noong 2007, ngunit nag-withdraw din nung araw na maghain ng kaniyang kandidatura si noon ay Lipa City Mayor Vilma Santos-Recto na nakalaban naman ang noon ay incumbent governor Arman Sanchez at Ret, Gen. Nestor Sanares.| – BNN