DUMALO at nakiisa si Batangas Governor Dodo Mandanas bilang Keynote Speaker sa ginanap na Regional Hospital Summit, ng Department of Health – Center for Health Development (CHD) IV CALABARZON sa Crimson Hotel, Filinvest Alabang, Muntinlupa City, Agosto 15. Layunin nito na bigyang pansin ang panawagan na mapa-unlad ang mga ospital at pagsuportahan sa Universal Health Care (UHC) ng pamahalaan.
Isa si Governor Mandanas sa tatlong gobernador na naimbitahan sa nasabing pagtitipon at tinalakay nito ang pagpapalakas ng hospital systems at services sa pamamagitan ng isang epektibong pamumuno.
Ibinahagi niya ang ilang mga katangian na dapat taglayin ng bawat chief of hospitals, na magbibigay-daan upang maitaguyod at mapanatili ang pinakamahusay na kasanayan sa pagsulong ng de-kalidad na serbiyong medikal.
Ilan sa mga ito ang honesty, competence o pagkakaroon ng sapat na kakayahan na makapaglingkod, openness, diligence, consistency, perseverance, at ang compassion sa bawat taong kanilang pinag-sisilbihan.
Dagdag pa nito, dapat ay magkaroon din ng commitment sa paglalaan ng maayos na serbisyo lalo na sa mga mahihirap, sense of urgency, pagharap sa bawat pagsubok, at ang pagpapanitili ng kaugalian na unity o pagkakaisa ng bawat naghahatid ng healthcare services.
Samantala, binigyang-diin naman ng gobernador na katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa nasabing pagkilos upang maitaas pa ang antas ng kakayahan ng bawat isang kawaning naglilingkod, mapalawig ang ibinibigay na serbisyo, at makapaglaan ng karagdagan pang pondo.
Kabilang din si Governor Mandanas, kasama ang ilang mga opisyal ng CHD CALABARZON at kapwa lingkod bayan, sa paglagda sa Pledge of Commitment na sinundan ng ribbon cutting para sa mga tampok na exhibit sa nasabing pagpupulong.|- Mark Jonathan M. Macaraig