INANSYO ng Social Security System na maaari nang magpadala ng kanilang maternity notification ang voluntary at self-employed na babaeng miyembro sa pamamagitan ng Text-SSS bilang pagganap sa mandato nito na magbigay ng mas maayos na serbisyo.
Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na dahil sa Text-SSS, ang mga indibidwal na miyembro ay may dagdag nang paraan para ipaalam sa SSS ang kanilang pagbubuntis maliban sa personal na pagpunta sa SSS branch para mag-file ng maternity notification.
“Sa pamamagitan lang ng isang text, maaari nang ipaalam sa SSS ng mga magiging ina ang kanilang pagbubuntis. Mas mainam ito para sa kanila dahil hindi na nila kailangang magpunta sa SSS para ipaalam sa amin ang kanilang pagdadalang-tao,” sabi ni Dooc.
Idinagdag ni Dooc na sa pamamagitan ng Text-SSS maternity notification, hindi muna kailangang magsumite ng katibayan ng pagbubuntis. Ipapasa lamang ang katibayan ng pagbubuntis kasabay ng aplikasyon ng maternity reimbursement sa SSS.
Ang pagpasa ng maternity notification sa pamamagitan ng text message ay dapat nasa ganitong format– SSS MATERNITYNOTIF <SSNumber> <PIN> <Expected Delivery Date MM/DD/YYYY> <Total Number of Pregnancies (kasama ang kasalukuyang pagbubunis)> at ipadala sa 2600.
Sa bawat maternity notification, magbabayad ang miyembro ng P2.50 kung siya ay Globe/Touch Mobile at Smart subscriber at P2.00 kung siya ay Sun Cellular subscriber. Makakatanggap siya ng text kapag naipadala na sa SSS ang maternity notification.
Maliban sa Text-SSS, maaari ding ipadala ng mga miyembro ang kanilang maternity notification sa pamamagitan ng kanilang online account sa My.SSS. Kailangang ilagay ng miyembro ang petsa kung kailan siya manganganak, bilang ng panganganak at petsa ng huling panganganak.
Subalit, binigyang-diin ng SSS na ang maternity notification sa pamamagitan ng Text-SSS at online facility ay pwede lamang sa mga self-employed at voluntary members habang ang mga employed members ay kinakailangan pa ding magsabi sa kanilang employers at ang employers ang magsasabi sa SSS.
“Ang Text-SSS at ang online facility ay ang sagot ng SSS sa lumalaking pangangailangan ng mga miyembro para sa mas maayos at mas madaling ng proseso ng maternity claim. Makakaasa ang mga miyembro na gagawa pa ang SSS ng mas marami pang paraan mas mapakinabangan nila ang kanilang mga benepisyo,” sabi ni Dooc.
Para sa taon ng 2017, naglabas ang SSS ng P6.1 bilyon na halaga ng maternity benefits sa mahigit 289,000 na babaeng miyembro.|#BALIKAS_News