By JOENALD MEDINA RAYOS
MATAPOS ang halos walong (8) buwan, napanalunan na ang pinakamalaking jackpot prize na P1.180-bilyon sa 6/58 Ultra Lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa bola nito, Linggo ng gabi, Oktubre 14.
Ngunit hindi tulad ng inaasahan, wala pa ring nagiging instant na bilyonaryo sa pamamagitan ng lotto sapagkat dalawang mananaya ang maserteng nakataya sa winning combination numbers na 50, 37, 25, 01, at 45.
Hanggang sa sandaling sinusulat ang balitang ito, hindi pa iniaanunsyo ng PCSO kung saan tumaya o kung taga saan ang maswerteng mga bagong milyonaryo.
Ayon sa rekord ng PCSO, nagsimulang lumobo ang jackpot prize ng 6/58 Ultra Lotto noong Pebrero 18, 2018 na nagsimula lamang sa P49.5 million, hanggang sa umabot ito ng kabuuang Php 1,180,622,508. Ito na ang pinakamalaking jackpot prize na naitala sa kasaysayan ng Philippine lottery.
Hanggang sa ngayon, wala pa ring nakahihigit sa naitalang pinakamalaking jackpot na nakuha ng iisang tao sa ang napanalunang P741-milyon sa Grand Lotto 6/55 na pinanalunan ng isang mananaya sa Olongapo City sa Zambales noong 2010.
Samantala, may 100 mananaya rin ang muntik nang maging milyonaryo ng maswerte rin nilang makuha ang limang tamang numero kaya makakakuha sila ng tig- Php169,930 bawat isa, ayon pa sa ulat ng PCSO.
Bago ito, sinabi ng PCSO na sa laki ng jackpot prize, maaaring umabot ng tig-Php 280,000 ang mapapanalunan ng sinumang makakuha ng five-numbers, depende lamang sa “the total sales generated and the number of winners on the particular draw.”
Ang paglobo ng jackpot prize sa Ultra Lotto ay nag-udyok sa milyon-milyong Pilipino na tumaya at maghangad na manalo sa pinakamalaking premyo sa kasaysayan ng lottery sa Pilipinas.
Pahayag ni dating Batangas vice governor Mark Leviste sa kaniyang social media account, “#LibreAngMangarap”…
Kabuuang P236,124,501.60 naman o katumbas ng 20% ng kabuuang jackpot prize ang mababawas sa napanalunan ng dalawang bettor bilang kabayaran sa Documentary Stamp Tax o buwis, batay na rin sa probisyon ng TRAIN Law.|#BALIKAS_News