LOBO, Batangas – PINAWALANG sala ng Court of Appeals (CA) si Mayor Lota Manalo at ang yumaong asawa nito na si dating Vice Mayor Gaudioso (Jurly) Manalo nang baligtarin ng naturang hukuman ang naunang desisyon ng Office of the Ombudsman sa ilang kasong isinampa laban sa kanila ng kontratistang Efren Ramirez Construction and General Services Corporation (ERC) na kinatawan ni Kimberly T. Ramirez.
Sa 15-pahinang desisyon ng CA, inihanay ng korte ang mga dahilan kung bakit hindi dapat patawan ng pagkatanggal sa pwesto ang mag-asawang Manalo sapagkat ang mga akusasyon umano ng naghabla ay walang batayang legal para patawan ng gayong parusa.
Nag-ugat ang kaso sa isang kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan noong September 22, 2017 sa pagitan ng Pamahalaang Bayan ng Lobo at ng FS Suntan Corporation na may bisa sa loob ng limang taon para sa dredging, desilting and realignment ng Lobo River.
Makalipas ang pagkakabisa ng kasunduan, inilipat o isinalin ng FS Suntan ang Karapatan nito sa ilalim ng MOA sa ERC. Agosto 5, 2021, sumulat umano ang ERC sa Office of the Municipal Mayor para sa Renewal ng naturang MOA. Nobyembre 9, 2021 nagpadala umano ulit ng panibagong sulat ang ERC para sa Renewal ng MOA at sa isa pang kasunduan para naman sa Nagtaluntong River. Noong panahong iyon, ang yumaong Vice Mayor Jurly pa ang nakaupong mayor ng Lobo.

Hulyo 2022, naging punumbayan ng Lobo si Mayor Lota at si ‘Mayor Vice July’ ang bise-alkalde. Setyembre 2, 2022 o humigit-kumulang ay dalawang linggo bago ang expiration ng MOA, nagpadala umano ng sulat ang ERC sa Opisina ng Alaklade para mag-follow up sa renewal ng MOA. Sumagot si Mayor Lota na nakatakdang mag-expire ang MOA sa Setyembre 18, 2022.
Ipinasa rin umano ni Mayor Lota ang sulat ng ERC sa Sangguniang Bayan sapagkat sa ilalim ng Local Government Code, ang Sangguniang Bayan ang mag-aaral sa magre-rekomenda ng renewal ng MOA at lalagda lamang ang alkalde kapag binigyan na siya ng otoridad ng konseho para sa gayung paglagda.
Hindi na-renew ang MOA at wala ring bagong kasunduan na nilagdaan ang munisipyo at ERC para sa Nagtaluntong River.
Enero 2023, nag-apply ng renewal ng business permit ang ERC. Hindi umano naproseso sa One-Stop Shop ang naturang renewal ng business permit dahil sa ilang liabilities ng ERC gaya ng pagkakautang nito sa munisipyo ng P1,317,550.00 para sa Load Inspection Fees; P973,275.40 para sa rental arrears at P310,784.82 na buwis sa mga ari-ariang di natitinag.
Sa Final Demand ng munisipyo noong Enero 31, 2023, sinabing papayagang makapag-renew ng business permit ang ERC kung babayaran ang mga nasabing pagkakautang. Nagbayad naman ang ERC ay nai-renew nito ang business permit ng kumpanya.
Dahil sa hindi nakakuha ng renewal ng MOA inihabla ng ERC sina Mayor Lota at Mayor Vice Jurly sa Ombudsman dahil nagkutsabahan (conspired) umano ang mag-asawang lider para gipitin ang ERC ay hindi i-renew ang MOA; pagdaragdag ng mga kondisyon bago mag-isyu ng business permit renewal; at paglabag sa Ease of Doing Business Act.
Kinatigan ng Ombudsman ang ERC at tinanggal sa pwesto sina Mayor Lota at Vice Mayor Jurly. [Bago lumabas ang naturang hatol ng Ombudsman ay sumakabilang-buhay na si Vice Mayor Jurly.]
Matapos naman ang rebyu ng Court of Appeals (CA) sa apela ni Mayor Lota, pinatunayan ng korte na mali ang naging hatol ng Ombudsman.
Dahil sa pagkamatay ni Vice Mayor Jurly, moot and academic na para litisin pa siya gayong yumao na siya; at wala ng dapat pag-usapan pa sa kasong isinampa laban sa kanya, pahayag ng korte.
Wala pa sa pwesto si Mayor Lota nang unang sumulat ang ERC para sa renewal ng MOA. Marapat lamang na ipasa niya sa Sangguniang Bayan ang liham na natanggap niya noong makaupo na siya bilang alkalde, sapagkat walang kapangyarihan ang punumbayan na lumagda sa anumang kasunduan kung walang Resolusyon ang konseho na nagbibigay-pahintulot sa kanya para lumagda sa MOA;
Ang pag-isyu naman ng Business Permit ay hindi mandatory sa panig ng punumbayan. Nasa diskresyon ng punumbayan kung papayagang makapagnegosyo sa kaniyang bayan ang may pagkakautang sa pamahalaang bayan.
Dahil sa pagkamatay ni Vice Mayor Jurly, moot and academic na para litisin pa siya gayong yumao na siya; at wala ng dapat pag-usapan pa sa kasong isinampa laban sa kanya, pahayag ng korte.
Para sa CA, dahil mali ang na-ging desisyon ng Ombudsman sa habla laban kay Mayor Lota, ang pagkakaalis sa kaniya sa pwesto ay itinuturing na pinatawan lamang siya ng preventive suspension, at dahil sa kaniyang pagkapanalo sa apela, matatanggap pa rin ni Mayor Lota ang mga sweldo at benepisyong hindi niya natanggap mula ng alisin siya sa pwesto hanggang sa maibaba ang desisyon ng CA.
Hanggang sa sandaling sinusulat ang balitang ito, hinihintay na lamang ang aksyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) para ipatupad ang hatol ng korte.| – Joenald Medina Rayos