By JOENALD MEDINA RAYOS
TANAUAN City – MATAPOS ang ilang linggong pag-aagam-agam ng mga residente ng lungsod na ito, lalo na ng mga kawani ng pamahalaang lungsod na apektado ng naging iringan ng administrasyon at ng mayoriya ng Sangguniang Panlungsod, naipasa rin nitong nakaraang Miyerkules, Enero 9, ang Tanuang Badyet ng syudad.
Matatandaang nabigo ang naturang konseho na maipasa ang nasabing taunang laang-gugulin noong bago mag-Pasko matapos pitong (7) kagawad ang bumoto kontra rito sa sesyon ng konseho kabilang ang pangulo ng liga ng mga barangay at panlungsod na pederasyon ng Sangguniang Kabataan. Apat na kagawad lamang kabilang sina Councilors Marcial Goguangco, Jr., Angel Atienza, Lyn Tabing at Arthur Lyrio ang sumama kay Kagawad Eric Manglo, tagapangulo ng Committee on Budget, sa pagpabor.
Sa isang post sa social media, inihayag ni Kagawad Gileen C. Manaig na mayroon umanong isiningit sa panukalang budget na aproprasyong umaabot sa P21-milyon na ipamamahagi sa mga mamamayan padaan sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na aniya’y kaduda-duang isinama sa panukalang badyet ngayong nalalapit na ang halalan at suspetsa ng mayoriya ay maaaring gamitin lamang sa maaagang pamumulitika ng administrasyon.
Ayon naman sa kampo ni Mayor Jhoanna Corona-Villamor, hindi tamang gamiting dahilan ang pagsususpetsa gaya ng umano’y maaaring maging pamumulitika ng administrasyon at sa halip ay ang tingnan ay ang benepisyong maibibigay sa mga mamamayan ng lungsod ng Tanauan, partikular sa mga mahihirap.
Ang paglalaan umano ng naturang pundo para sa mga higit na nangangailangang residente ng lungsod ay batay sa tinalakay ay piniling program ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at ang mga benepisyaryo ay na-identify ayon sa Community-Based Monitoring System (CBMS) ng CSWDO o iyong mga tinatawag na localized 4Ps o mahihirap na hindi nakabilang sa mga na-identified na ng DSWD national at tumatanggap na ng ayuda.
Bukod sa mga pangunahing serbisyo publiko na maiipit ng hindi pagkakapasa ng badyet, nanganganib din sanang mawalan ng trabaho ang may ilang daang tauhan ng pamahalaang lungsod bilang job order workers. Ang mga job orders workers ay kinabibilangan ng mga manggagawang binabayaran ang kumpensasyon ayon sa serbisyong hinihingi ng programa kung para saan sila ay na-empleyo. Sa ilalim ng umiiral na batas, sila ay hindi mga regular na kawani ng pamahalaang lungsod, at walang umiiral na employer-employee relationship sa pagitan nila ng pamahalaang lungsod.
Ngunit nito ngang nakaraang Miyerkules, matapos muling magka-usap ang mga miyembro ng konseho at mga department heads, kasunod ng pakikipagdayalogo nila sa alkalde ay mistulang nagbagong-isip ang mayoriya ng mga kagawad ay naipasa ang taunang badyet unanimously.
Samantala, ang kontrobersyal na P21-m aproprasyon para sa localized 4Ps na nabanggit ay hindi na muna isinama sa taunang badyet at sa halip ay napagkasunduang saka na lamang isasama sa isang Supplemental Budget.|#BALIKAS_News