BATANGAS City — BILANG pagpapakita ng malasakit sa kapakanan ng mga kawani at sa layuning mapanatili ang mataas na antas ng serbisyo publiko, naglabas si Mayor Marvey Mariño ng Executive Order No. 3, s. 2025 na nagbabawal sa anumang uri ng online gambling sa oras ng opisyal na trabaho ng mga empleyado ng pamahalaang lungsod ng Batangas.
Layunin ng EO na matiyak na ang oras at kagamitan ng gobyerno ay magagamit lamang para sa mga gawain ng paglilingkod sa publiko. Mahigpit ding ipinagbabawal ang paggamit ng anumang government-issued computers, mobile phones, internet connectivity, at iba pang kagamitang pag-aari ng pamahalaan para sa online gambling.
Saklaw ng pagbabawal ang lahat ng uri ng digital na sugal gaya ng online casinos, poker, slot machines, e-sabong, at iba pang digital betting platforms, kabilang na ang anumang aplikasyon kung saan may aktwal o virtual na salaping taya.
Mahaharap sa administrative disciplinary action, alinsunod sa 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RACCS) at iba pang naaangkop na batas, ang sinumang lalabag sa nasabing EO.
Inatasan din ang mga department heads, division chiefs, at mga supervisor na tiyaking nasusunod ito at agad i-report sa City Human Resource Management Office o City Legal Office ang anumang paglabag para sa kaukulang aksyon.
Ayon kay Mayor Marvey, ang hakbang na ito ay bahagi ng kanyang patuloy na programa upang itaas ang integridad at kalidad ng serbisyo publiko, at upang maiwasan ang mga gawi na maaaring makasama sa disiplina, mental na kalusugan, at moralidad ng mga empleyado.
“Responsibilidad natin na maglingkod nang buong husay sa ating mga kababayan, at gusto rin nating mapangalagaan ang ating mga empleyado at maiiwas silang malulong sa sugal na maaaring magdulot sa kanila ng kapahamakan”, ayon kay Mayor Marvey Mariño.| – PIO- Batangas City