NANANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa gobyerno at mga lokal na opisyal na panahon na para muling buksan ang mga pampublikong lugar, paikliin ang curfew at pahabain ang business hours sa kabila ng pandemya ng Covid-19.
Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, hindi solusyon ang patuloy na lockdown para kontrolin ang pagkalat ng virus at lalo lang ginawang โsalat sa pera, salat sa espasyo at salat sa orasโ ang mga Pilipino.
Paliwanag ni Marcos, dahil sa lockdown nagsisiksikan sa bahay ang mga pamilya lalo na sa mga lungsod na may mataas na populasyon at hirap sila kumilos para maghanap ng trabaho.
“Sa mga masisikip na barong-barong sa Metro Manila, pati mga nagsisiksikang migrante sa mga barangay sa Cebu, napaka-imposible naman yung physical distancing,” ani Marcos. Bilang dating gobernador ng Ilocos Norte, naniniwala si Marcos na “huling opsyon na lang dapat ang lockdown bilang solusyon sa mga talagang infected, at target na mga sityo o barangay na talagang hindi sinusunod ang mga protocol.
“Sinabi ni Marcos na kung muling bubuksan ang mga pampublikong espasyo at isara sa sasakyan ang mga iskinita pagkatapos ng oras ng trabaho ay mas makakakilos ang mga tao sa kanilang mga gawain at mapo-promote pa ang physical at mental health, basta’t naipatutupad pa rin ang pagsusuot ng face masks at social distancing.
“Bakit di natin buksan ang mga kalye sa mga tao sa halip na mga sasakyan pagkatapos ng oras ng trabaho?” panukala ni Marcos. “Payagan na natin ang mga mahihirap na mga nagsisiksikang pamilya na okupahin ang mga maluluwag na espasyo para makahinga, makapaglaro, makapagluto, makapaglaba at makapagpa-araw.
Sa wakas, marahil panahon na para ibalik ang mga parke, mga stadium, mga auditorium at mga iskinita sa publiko!” ani Marcos.
Ang pagpapaikli sa mga curfew at pagpapahaba ng mga business hours ay magpapaluwag din sa mga siksikan sa mga opisina, mga palengke at grocery gayundin sa limitadong pampublikong mga sasakyan, dagdag pa ni Marcos.
“Kailangan nating ayusin ang oras: Gawin ang lahat basta’t mapipigilan natin ang mga siksikan, pagmamadali at pagpapanik. Planuhin natin ang mas mahabang oras sa mga palengke, payagan natin ang mga opisina na magkaroon ng flexible time, gawing 24/7 ang gobyerno para maiwasan ang mahabang pila para sa mga ayuda,” paliwanag ni Marcos.
“Totoo, maaaring magresulta ito sa mataas na singil sa kuryente, pero ang halaga ng mga ilaw, mga seguridad at overtime ay mas malayo pa rin kaysa perwisyong dulot ng impeksyon at kawalan ng trabaho. Mayroon na tayong pandemya, kaya huwag na nating engganyuhin pang magkaroon ng pandemonium o kaguluhan bunsod ng kahirapan,” ayon pa kay Marcos.
Binanggit ni Marcos na maaaring umabot ng pitong buwan bago magkaroon ng katanggap-tanggap na bakuna kontra sa Covid-19 at ilang buwan pa bago ito tuluyang maging available sa buong mundo at sa Pilipinas.”Pansamantala, matuto tayong mamuhay na may virus, at umpisahan na nating ibalik ang mga pampublikong espasyo sa taumbayan,” diin pa ni Marcos.| – BNN
[Photo Credit: Manila Cathedral, in the Intramuros area of the Philippineโ capital. By Alamy ]