BAUAN, Batangas – BUNSOD ng pagpapataw ng institutional lockdown sa JG Summit Petrochemicals, Inc. ng Pamahalaang Lungsod ng Batangas noong Agosto 12, 2020 dahil na rin sa lumobong dami ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 at napakaraming mga paglabag sa health and safety protocols, lahat ng trabahador ng nasabing kumpanya, kasama ang mga sub-contractors, ay huminto ng pagtratrabaho.
Kasama sa tumigil ng trabaho ay ang humihit kumulang 2,000 na mga Bauangeño. Dahil sa walang ginagawang koordinasyon sa pamahalaang bayan ng Bauan, ang AG&P management, isa sa mga contractors ng JG Summit, pinangunahan ni Mayor Ryanh Dolor ang pakikipag-ugnayan sa nasabing kumpanya at minabuti ng Pamahalaang Bayan na isailalim ang mga mamamayan nitong trabahador ng JG Summit sa quarantine upang makasigurado na ligtas ang mga trabahador, kanilang pamilya at ang komunidad.
Sa desisyon ng Pamahalaang Lungsod ng Batangas na i-lift ang institutional lockdown ng JG Summit, may mga report na pinapabalik na rin sa trabaho ang mga manggagawang taga-Bauan na pinag-quarantine.
Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang Pamahalaang Bayan sa management ng AG&P at hiniling na kailangang magtuloy munang mag-quarantine ang mga nasabing trabahador. Nararapat lamang na sila ay mabayaran ng kaukulang kumpensasyon sa mga araw na hindi sila makakapagtrabaho sa kabila ng patawag ng kumpanya upang matapos ang quarantine. Kung tutuusin, ayon sa pamahalaang lokal ng Bauan, hindi nila kasalanan ang mga paglabag ng kumpanya sa mga protocol at hindi pagbibigay prayoridad sa kalusugan.
Kaugnay rin nito, hindi tinanggap ng pangasiwan ng AG&P ang panawagan ng pamahalaang bayan ng Bauan na bigyan ng kumpensasyon ang mga trabahador para mga araw na sila ay nag-quarantine.
Bilang konsiderasyon umano ng pamahalaang bayan ng Bauan sa pangunguna ni Mayor Ryanh Dolor, nagdesisyon ang alklade na itigil na rin ang quarantine ng mga apektadong trabahador ng JG Summit sa pagsasaalang alang sa kanilang patuloy na pagkakaroon ng hanap-buhay para sa kanilang pamilya.
“Mabigat na desisyon ngunit iniisip nating lagi ang mas ikabubuti ng ating mga kababayan. Sa halip, atin pong ipaglalaban ang napagkasunduan na maglaan ng shuttle services sa mga trabahador galing Bauan papunta sa JG Summit Simlong at pabalik sa Bauan. Hinihiling po ng ating Pamahalaang Bayan ang lubos na pag-iingat ng sarili ng ating mga kababayang trabahador hindi lamang sa JG Summit ngunit sa lahat ng mga APOR (Authorized Persons Outside Residence). Isipin natin lagi na ang pag-iingat sa sarili ay pag-iingat din sa ating pamilya at komunidad,” saad sa opisyal na pahayag ni Mayor Dolor.|-BNN Reportorial Team