BATANGAS City — “MURIATIC acid kontra magnanakaw?” Tinawanan lamang ng maraming netizens ang naging aksyon ng pulisya sa lunsod na ito na gumamit ng muriatic acid bilang panlaban umano sa mga magnanakaw.
Kamakailan lamang, nilagyan ng ilang kagawad ng pulisya sa lunsod ng muriatic acid ang ilang drainage systems sa Poblacion bilang aksyon umano kontra sa mga termite gang o mga magnanakaw na dumadaan sa mga drainage systems.
Sa supervision ng bagong Batangas City Police OIC chief na si P/Supt. Sancho Celedio, naglagay ng muriatic acid sa mga drainage ang pulisya upang huwag umanong makaulit ang mga termite gang na makapagnakaw sa mga jewelry stores, pawnshops at iba pang financial institutions.
Matatandaan na unang sumalakay ang termite gang sa Lunsod Batangas City noong Pebrero 5, 2018 nang nakawan nito ang isang jewelry store at natangay ang pera at alahas dito na nagkakahalaga ng P11 milyon. Dumaan sila sa isang manhole sa may P. Burgos St. at gumapang papunta sa nasabing store kung saan binutasan nila ang sahig dito upang makapasok.
Agad nahuli ang suspek na si Manuel Banay taga-Ilocos, sa barangay Pagkilatan kung saan siya ay nagtatrabaho bilang construction worker. Nang nakalabas siya ng detention cell matapos makapagpiyansa, nabaril siya sa poblacion ng mga hindi pa nakikilalang suspek at namatay din on the spot.
Ayon kay Celedio, makakatulong ng malaki ang paglalagay ng muriatic acid sa drainage upang hindi makadaan dito and mga magnanakaw.
Pinangunahan ni PCINSP Jaime Pederio ang operasyon bandang alas diyes ng gabi.
Pahayag naman ng mga netizen, pag-aaksaya lamng ng pera ang paglalagay ng muriatic acid sapagkat natutuyo rin naman ito o kaya ay madadala rin ng baha.
“NONSENSE. Regular nyo bang gagawin yan? Gaano karaming muriatic ang gagamitin para sa maintenance? Di nman mare-retain yan kasi mawa-wash out lng din ng tubig na nanggagaling sa household and establishments ang ilalagay n’yo after few days, madi-dilute at magiging safe na ulit sa balat,” pahayag ni Dennis Jay-r Sarmiento.
Dagdag pa niya, “After maglagay ng muriatic pwede na bang matulog ang mga pulis? TRY NYO KAYANG RUMONDA. Wala nga akong nkikitang pulis sa dis oras ng gabi kapag late nako nakakauwi from work. Magtrabaho naman hindi puro papogi.”|#BALIKAS_News