By JOENALD MEDINA RAYOS
SAN NICOLAS, Batangas – NAKUMPIRMA na ng otoridad ang una at kaisa-isang casualty sa pagputok ng bulkang Taal noong Enero 12, 2020 matapos matagpuan nitong Sabado ang isa sa mga napaulat na nawawalang residente ng Taal Volcano island, sakop ng Barangay Alas-as, bayang ito.
Ayon sa ulat ng San Nicolas Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag dakong alas-tres ng hapon nitong Sabado, Pebrero 15, ukol sa umano’y nakitang bangkay ng isang lalaking nakadapa sa isang bangkang pangisda sa pampang ng volcano island na nalubog sa may isang (1) metrong kapal ng nanigas ng abo.
Matapos suriin ang naturang bangkay, nakilala ang biktimang si Marlon Deteral, 26-anyos na positibong kinilala ng kaniyang amaing si Christopher Deteral sa pamamagitan ng isang tattoo (parrot) sa katawan ng biktima.
Nabatid na natagpuan ang bangkay ni Deteral na nakadapa sa bangka na indikasyong maaaring gusto nitong takasan ang nagngangalit na bulkan na mabilis na itinaas ang alert status mula Level 1 hanggang Level 4 sa loob lamang ng ilang oras.
Ayon sa isang magkakatiwalaang source, dumalo pa umano sa isang kasalan ang biktima noong araw na pumutok ang bulkan. Nakatakda sanang magdiwang ng kaniyang ika-26 na kaarawan ang biktimang si Marlon nitong Sabado, araw kung kailan natagpuan ang kaniyang bangkay.
Samantala, nananatili pa ring ‘Missing Person’ sa tala ng otoridad ang isa pang kabarangay ni Deteral na nakilalang si Alexander Dando, Jr. Huli siyang nakita noong Enero 12, 2020, ang araw kung kailan pumutok ang Bulkang Taal.|-BALIKAS News Network
Photos by GHADZ RODELAS