By JOENALD MEDINA RAYOS
LIPA City – NAKAKASA na ang puwersa ng mayoriya ng mga political leaders sa lalawigan ng Batangas para isulong ang anila ay tunay na kapakanan ng lalawigan at mga mamamayan nito sa pagsasanib puwersa ng One Batangas at Nacionalista Party dito, Setyembre 21.
Pahayag ni Senador Ralph G. Recto, tinatayang nasa 2/3 ng kabuuang bilang ng political leaders sa lalawigan ay kabilang na sa mga nagsipanumpa bilang kasapi ng One Batangas – ang isang lokal na lapian ng mga Batangueñong naniniwala sa kakayahan, galing at husay ng mga Batangueño at nagkakabuklod sa iisang adhikain – ang nagkakaisang pagsusulong sa kapakanan ng Lalawigan ng Batangas.
Mula sa magkakaibang partido-pulitikal ay sama-samang nanumpa sa One Batangas ang mga nasabing opisyal at pagkatapos nito ay sama-sama ring nanumpa bilang mga bagong kasapi ng Nacionalista Party na pinamunuan naman ni Senador Cynthia Villar habang sumaksi naman sina DPWH secretary Mark Villar, Deputy Speaker at 2nd District Congressman Raneo E. Abu at 4th District Congresswoman Lianda Bolilia na pawang mga kasapi ng NP.
Sa kaniyang ikalwang homecoming sa Nacionalista, lubos na nagpasalamat si Senador Recto sa NP na ani’y hindi nagdalawang-isip na tanggapin ang kaniyang pagbabalik sa partido. Ang NP aniya ang kauna-unahang partidong kumopkop sa kaniya sa kaniyang kauna-unahang pagpasok sa pulitika bilang Congressman ng Ika-apat na Distrito ng Batangas na noon ay kabilang pa ang Lungsod ng Lipa.
Nanumpa na bilang mga bagong kasapi ng NP sina 5th District Congressman Marvey Mariño at 6th District Congresswoman Vilma Santos-Recto. Dahil dito ay magkakasama na sa iisang partido ang limang Kinatawan ng Batangas sa Mababang Kapulungan, kasama na si 1st District Cong. Eileen R. Ermita-Buhain. Tanging si 3rd District Cong. Ma. Theresa Collantes na lamang ang hindi kasapi ng NP sa Batangas.
Sa mga panlalawigang opisyal, nanumpa ring kasapi ng NP sina Vice Governor Sofronio Nas Ona Jr., at ang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan mula sa iba’t ibang distrito – Board Members Roman Junjun Rosales at Glenda Bausas ng Unang Distrito, Arlina Magboo (Ika-2), Alfredo C. Corona at Divina Balba (Ika-3), Jonas Patrick Gozos at Jesus De Veyra (Ika-4), Arthur G. Blnco at Ma. Claudette U. Ambida (Ika-5), at Rowena Sombrano-Africa at Lydio Lopez (Ika-6).
Kabilang naman sa mga nagsidalo at nanumpang incumbent mayors at vice mayors sina Mayor Oliver Palacio ng Calatagan; Mayor Sofronio Boogle Ona ng Calaca, Mayor Pong Mercado at Vice Mayor Jovito Albufera ng Taal, Mayor Eulalio Alilio ng Lemery; Ma. Aurea Segunial ng Sta. Teresita, Mayor Gaudioso Manalo ng Lobo, Mayor Noel Luistro ng Mabini, Mayor Mark Lawrence Alvarez at Vice Mayor ng Tingloy, Mayor Jhoanna Corona-Villamor at Vice Mayor Benedicto Corona ng Lungsod ng Tanauan, Mayor Wilson Maralit ng Balete, Mayor Alberto Lat ng Malvar, Mayor Randy James Amo ng Laurel, Mayor Michael Rivera at Vice Mayor Noel Cantos ng Padre Garcia, Mayor Rodolfo Manalo ng San Juan, Mayor Ben Patron ng San Jose, Mayor Grandie Gutierrez at Vice Mayor Perez ng Taysan, Vice Mayor Leovegildo Morfe ng Rosario, Mayor Beverly Rose A. Dimacuha ng Batangas City; at Vice Mayor Eric Africa ng Lipa City.
Naroon din ang mga kagawad ng mga nabanggit na bayan at ang ilang mga bagong tatakbo sa susunod na halalan, maging ang mga nagbabalak bumalik sa serbisyo-publiko.
Tiniyak naman ng mag-asawang Senador Ralph at Congw.Vilma Santos-Recto na buo pa rin ang kanilang suporta kay Batangas governor Hermilando I. Mandanas, bagaman at wala siya nasabing pagtitipon.
“Ang pagbuo ng One Batangas ay hindi para humanap ng isang ilalaban o itatapat na kandido laban sa isa, kundi ito ay pagbubuo ng mga political leaders para suportahan ang tunay na mga namumuno sa ating lalawigan,” pahayag pa ng kongresista.|#BALIKAS_News