By LIZA PEREZ DE LOS REYES
BATANGAS City — MAY 38 surrendered firearms ang naitala ng Batangas City Police mula Enero hanggang Mayo 2018 sa isinagawa nilang Oplan Katok at Best Practice Oplan Balik Armas alinsunod sa RA 10591 o An Act Providing for Comprehensive Law on Firearms and Ammunition and Providing Penalties for Violations Thereof.
Dalawampu sa 38 surrendered firearms ang may expired licenses na pansamantalang nakahabilin sa Batangas City Police Station habang inaayos ang mga kaukulang dokumento upang maging lisensyado muli.
May 18 baril naman ang boluntaryong isinuko ng mga naging kandidato sa nagdaang barangay at Sangguniang Kabataan elections para sa pansamantalang safekeeping ng pulis.
Ayon kay SPO1 Ding Calalo, operation/CPSM/Firearms desk PNCO ng Batangas City Police Station, hinigpitan nila ang Oplan Balik Armas dahilan sa bukod sa may ipinatutupad na Oplan Katok ay nagkaroon ng election ban.
Sinabi pa rin ni Calalo na naging matagumpay ang operasyon dahil sa tulong ng bawat kapitan ng barangay. Sila ang nanguna sa paghikayat sa mga residente na boluntaryo nilang isuko ang itinatagong baril upang hindi makasuhan ng illegal possession of firearms.|#BALIKAS_News