By JOENALD MEDINA RAYOS
TULUYAN nang napagtibay sa Ikatlo at Huling Pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan nitong Lunes, Agosto 27, ang Provincial Ordinance No. N-002, Year 2019 na may titulong “Ordinance Mandating the Installation of Street Lights on All Pedestrian Crossings in the Province of Batangas” na inakda ni 1st District Board Member Carlo Roman “Junjun” Rosales.
Layunin ng naturang ordinansa na maiseguro ang mas ligtas at maayos na mga pook tawiran sa mga lansangang pag-aari ng pamahalaang panlalawigan, lalo na kung gabi. Sa bawat pedestrian crossing na nabanggit, tig-dalawang ilaw ang ilalagay sa magkabilang direksyon gaya ng naging panukala ni Board Member Bart Blanco ng Ikalimang Distrito.
Hiniling din ni Bokal Blanco kay Bokal Rosales na maisama rin sa mga prayoridad na lalagyan ng streetlights ang mga estratihikong lugar gaya ng pook pamilihan at mga paaralan upang matiyak ang maximum security and order s amga lugar na ito kung saan madalas nagaganap ang mga krimen lalo na sa dis-oras ng gabi.
Pahayag ni BM Rosales, na siya ring Chairperson ng Committee on Social Welfare sa konseho, makatutulong din ang naturang ordinansa upang mapababa ang aksidente at krimen na nagaganap sa mga kalsada, lalo’t hindi na magampanan ng mga local government units ang pagkakabit ng mga naturang pailaw dahil na rin sa kakulangan ng budget ng mga ito.
Kaya naman upang hind imaging pabigat ito s amga LGUs, ang pamahalaang panlalawigan ang sasagot sa pagkakabit ng mga nasabing pailaw.
Saklaw lamang nito ang mga pedestrian crossing sa mga provincial roads at hindi kasama ang sa mga pribadong lansangan.
Upang hindi maging pabigat sa mga local government units na nakasasakop sa mga lugar na lalagyan ng naturang pailaw at walang buwanang konsumo sa kuryente na kailangang bayaran ang munisipyo, solar electric lights ang gagamitin para rito.
Magsisimuluang ipatupad ito sa taong 2020 sapagkat sa susunod pang annual budget ng probinsya mapapasama ang kaukulang pondo na kakailanganin para maipatupad ang proyekto.|-BALIKAS Network News